Saliksik E-Journal - Bahay Saliksikan Sa Kasaysayan

Comments

Transcription

Saliksik E-Journal - Bahay Saliksikan Sa Kasaysayan
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Artikulo
ERIHIYA, RETABLO, AT MGA BANAL NA HIYAS:
MGA PILING YAMANG BAYAN NG SILANG, CAVITE
NA MAY KAUGNAYAN SA PANANAMPALATAYA
SA PANAHON NG MGA HESWITA NOONG 1599-1768
Phillip N. A. L. Medina
Departamento ng Aralin sa Sining
University of the Philippines - Diliman
Abstrak
Mula sa mga pangkasaysayang datos na naglalahad ng pagdating, pagtaguyod, at paglisan ng
mga Heswita, sasalaminin ng artikulong ito ang mga maaaring mahugot na yamang bayan.
Tinatangkilik ang mga yamang bayan kung naglalaman ang mga ito ng mga katangian,
kalinangan, karunungan, at kamalayan ng isang bayan. Ang mga pag-uugnay sa kasaysayan,
sining, at antropolohiyang pagbasa ang siyang magiging daan upang makabuo ang pag-aaral
na ito ng isang imbentaryo ng mga yamang bayan ng Silang, Cavite sa panahong 1599-1768.
Ang buod ng pagdating ay gugunita sa simula ng pagsakop ng mga Heswitang Espanyol.
Hahanap ang pag-aaral na ito ng mga halagahing masasabing taal mula sa mga katangian ng
mga katutubong Silang. Ibabatay ang pagsusuri sa dinamiko ng malawak na katutubong
teolohiya at gayundin sa mga limitadong datos hinggil sa sinaunang bayan at mga tao nito.
Mula rito, tatangkilikin ang pag-aaral ng isang yamang bayan na nakasandig sa isang
kamalayang basal.
Magbubunsod naman ang pagtaguyod ng pananampalatayang
Katolisismo ng panahon ng pagsupil sa mga katutubong kapamaraanan at karunungan.
Makikita ang puntong pagpapalit-pagpipilit ng mga Kanluraning modelo sa pagbuo ng isang
kolonyang pamayanan at maging sa pagtaguyod ng misyon ng mga Heswita sa ngalan ng
ebanghelisasyon gamit ang mga instrumento ng pananakop. Mula ang yamang bayan na
nabuo sa panahong ito sa tunggalian ng mga kamalayan at paglalagom ng mga karunungan
at halagahin na makikita sa kolonyal na sining. Panghuli, ang panahon ng paglisan ay
tutuon sa mga nag-aanib-puwersang katutubo at kolonyal. Sa loob ng halos dalawang
daang taon ng pagkakalagi ng mga Heswita sa Silang, hahanap ang pag-aaral na ito ng mga
yamang bayan na nagsanib mula sa mga karanasan ng nakakataas sa lipunan at maging ng
60
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
pangkaraniwang tao.
Dito makikita ang mga yamang bayan na binuo ng mga
magkakahiwalay ngunit magkakaugnay na kamalayang Pilipino bunga ng pagtangkilik sa
Katolisismo na may pagtatangi pa rin sa mas malawak na Pilipinong ispiritwalidad.
Ang erihiya, retablo, at mga banal na hiyas ay itatampok upang mabigyan ng kulay ang
bahaging ito ng kasaysayan ng bayan na may pagtatanto sa pinagbabago at nagbabagong
kamalayan. Bunsod ng pag-inog ng panahon sa hudyat ng pagsakop at pagsupil, sa
pagtangkang pagpapalit-pagpipilit, at bunga ng pagyapos at pag-aanib ng mga puwersang
katutubo at kolonyal, nagluluwal ang kamalayang Pilipino ng isang malawak at dinamikong
ispiritwalidad na siya ring huhubog sa mga itataguring yamang bayan ng mga taga-Silang.
Ang bayan ng Silang ay isa sa matatandang bayan sa bulubunduking bahagi ng lalawigan
ng Cavite. Ayon sa ilang tala ng kasaysayan, nagmula umano ang ngalan ng bayan sa
kinalalagyan nito sa bahaging silangan. Kung ito ang pagbabatayan, interesanteng
tanungin kung sino ang nagpapatungkol sa Silang bilang nasa silangan, kung sino sila,
saan sila naroroon, at kung bakit sila naroroon upang patungkulan ang Silang ay totoong
na nasa silangan (sariling diin). Subalit mas mainam kung ibabatay ang ngalan ng bayan
sa matandang gamit ng salitang “silang.” Ayon kay Isagani Medina sa kanyang
kumprehensibong pagsasaliksik sa mga pinagmulan ng ngalan ng mga bayan at baryo sa
Cavite, 1 nangangahulugan itong “dumaan sa pagitan ng dalawang matataas na bagay gaya
ng pagitan ng mga halayhay ng kabundukan” (Medina 2001, 25). Mahihinuha sa
matandang kapamaraanan ng pagpapangalan sa isang lugar ang halaga ng kapaligiran na
ginagawalan o nararanasan.
Masasabing umiinog ang katutubong pananaw sa likas na kapaligiran na nakikita, at pati
na rin, di nakikita. Ito ang nagiging batayan sa relasyon ng lahat ng bagay: ang
pinanggagalingan ng buhay, kabuhayan, kaligtasan, kamatayan, at maging ang pag-unawa
sa kabilang buhay. Naniniwala ang mga katutubong Pilipino sa Diyos (o mga diyos), sa
puwersa ng kalikasan, at sa kahalagahan ng kapaligiran at gamit nito sa buhay.
Makakatulong sa pag-unawa ng Pilipinong ispiritwalidad ang Retablo ng Paniniwala ni
Prospero Covar.2 Ayon sa katutubong teolohiya, nakaluklok sa kalangitan ang isang
Infinito Dios, ang lumikha at pinagmulan ng lahat. Siya ang naghahari sa sanlibutan at
may tatlong persona na binubuo ng Dios Ama, Dios Anak, at Dios Ina (Covar 1988a).
Maibabatay sa paniniwalang ito ang diskurso ng buhay, relasyon, at ispiritwalidad ng mga
katutubong Pilipino. Bunga ang lahat ng mga kaganapan sa mundo ng pag-uusap at
kasunduan ng tatlong persona. Kaalinsabay nito ang paniniwala sa kaluluwa. Ang tatlong
persona ay may kaluluwa, gayundin ang mga tao. Maaaring humiwalay ito pansamantala
tulad ng espiritu ng tatlong persona o kaya nama’y lubusang humiwalay sa katawan gaya
ng pagyao ng tao. May kakayahang sumapi ang mga kaluluwa ng tatlong persona, tao, at
61
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
maging espiritu ng kalikasan sa mapipili nitong sapian. Ang akto ng pagsapi ay siyang
pakikipagtalastasan ng tao sa katutubong Diyos. Ito rin ang daan upang makuha ng mga
babaylan o katalonan ang mensahe, kagustuhan, pagpapahintulot, pagbibigay-babala, at
utos ng nakakataas o nasa paligid. Mula rin sa retablo ng paniniwala makikita ang pagunawa sa istruktura ng pamilyang Pilipino.3 Ang ama, ina, at anak ang pangkaraniwang
bumubuo sa isang pamilya (Covar 1988b, 17) at sila rin ang pundasyong bahagi ng isang
lipunan.
Sa pagdating ng mga Espanyol, ginamit ang pananampalataya at salita ng Diyos sa
pananakop. Sa akda ni Vicente Rafael na Contracting Colonialism: Translation and
Christian Conversion in Tagalog Society Under the Early Spanish Rule (1988, 87), isinagawa
ang layuning ebanghelisasyon para sa pagpapalaki ng sakop ng kahariang Espanya gamit
ang pagyapos at pag-anib sa dalang relihiyon. Sa puwersang kolonyal, isang “obligasyon”
na maipakalat ang “Salita ng Diyos” at isa itong lehitimong instrumento ng
pagpapalawak. Interesante ang pamagat ng akda ni Rafael sapagkat masasalamin dito
ang motibo ng kolonyalismo: ang pagsakop at pagsupil kung isasalin ang salitang
“contracting.” Makikita ang mga ito sa mga katutubong karanasan sa pagtangkilik,
paghalo o pag-iwas sa mga paniniwalang dala ng mga Espanyol.
Sa pagsasakatuparan ng layuning pagsakop-pagsupil, ipinatupad ang sistemang
reduccion. Ugat sa salitang reducir, sinuri ni Rafael (1988, 90-91)ang kahulugan nito
bilang pagtitipon sa mga katutubo sa isang lugar upang mapaghati-hati, maunawaan,
mabantayan, at mailagay sa estado ng pagsunod. Sa paggamit nito, makikitang nais ng
kolonyang puwersa na maitaguyod ang isang antas ng paghihiwalay kung ano ang mga
Espanyol na isang Kristyano at kung ano ang Tagalog na kailangang supilin. Una pa man,
kinilala na rin ni John Leddy Phelan ang estratehiyang ito ng mga Espanyol. Sa kanyang
The Hispanization of the Philippines: Spanish Aims and Filipino Responses, 1565-1700 (1959,
44-47), tinukoy ang sistemang reduccion bilang paglilipat ng tirahan ng mga katutubo sa
loob ng isang mapapamahalaang yunit o kaya’y sa ilalim ng kampanaryo (“under the bell”)
upang makapagmasid sa paligid. Hinimok ng mga Espanyol na manirahan sa cabeccera
ang mga katutubo at manatili sa ilalim ng isang visita o kapilya ng mga pari. Mula sa
ideyang reduccion, operatibong naisakatuparan ito gamit ang sistemang cabeccera-visita
at ito ang simula ng pagkakabuo ng isang kolonyang misyon.
Batay rin kay Phelan, mas nakahimok sa mga Pilipino ang mga Kristyanong ritwal4 sa
pagdiriwang ng simbahan (Phelan 1959, 75). Mas hinimay-himay ito sa akda ni Rafael. Sa
ganitong proseso, isasagawa ng kolonyang puwersa ang pagpapalit-pagpipilit gamit ang
kolonyal na ritwal, tanda, at istruktura ng paniniwala. Sa pagkakabuo ng isang
konstraktong kolonyal, itataguyod si Kristo bilang kinatawan ng Diyos na siyang lumikha
ng lahat. Siya ang rurok at tanda (sign) ng Diyos Ama (Rafael 1988, 92). At ang pagkilala
sa tanging tunay na tanda ng Diyos ang siyang pagkilala sa pananampalataya. Ang Diyos
62
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo ang bumubuo sa Diyos na may tatlong persona.
Isinagawa ang mga banal na ritwal o mga sakramento ng mga paring Espanyol bilang
pagpupugay sa tanda ng Diyos. Dito, itinuturing ang mga pari bilang tagapamagitan ni
Kristo.
Sang-ayon kay Rafael, bumuo ang ebanghelisasyong kolonyal ng isang
dinamikong paggalaw sa tanda at diskurso ng mga sumasagawa nito (Rafael 1988, 91).
Inilahad ito mula sa pagbibigay ng sakramento bilang isang prosesong pag-anib at ang
pagsali sa sakramentong ritwal ang siyang tampok sa pagyapos sa pananampalatayang
kolonyal na isinasagawa ng mga pari. Kikilalanin ng tatanggap nito ang pagkokomunyon
bilang simbolikong pagyapos sa pananampalataya at maging ang pagkukumpisal bilang
pagpapahayag at pagkilala sa pananampalataya—dalawang bagay na mahalaga sa
pananampalataya.
Kung naitaguyod ang pagsakop sa kalupaan, hindi naman naging lubos na matagumpay
ang pagsupil. Ang tunggalian sa pagpapalit-pagpipilit ng istrukturang kolonyal sa
nakagisnang katutubong teolohiya ay nagbunga ng isang pagsasanib na masasalamin sa
mga gamit, simbolismo, sining, at ritwal ng Pilipinong Katolisismo at gayundin bilang
kabuuan sa kamalayang Pilipino. Sa kabilang panig, maaaring sabihing walang
tunggaliang naganap kundi isa itong paglalagom ng magkaibang kultura na dinamikong
gumagalaw sa loob ng isang komunidad.
Iinog ang pagtalakay sa tatlong bahagi ng kasaysayan ng mga Heswita: ang pagdating,
pagtaguyod, at paglisan, partikular na sa karanasan sa bayan ng Silang. Kaalinsabay sa
paglalahad ng kasaysayan, susuriin at lalapatan ang mga datos ng iba’t ibang pananaw
mula sa sining, arkitektura, panitikan, at antropolohiya upang makapag-angat ng mga
yamang bayan na maaaring tangkilikin sa napapaloob na panahon.
Magsisimula ang pagpaksa sa pagdating ng mga Heswita taong 1599 kung saan gagamitin
ang mga pangkasaysayang akda ni Pedro Chirino sa Relacion de las Islas Filipinas (1604)
mula sa mga pagsasalin nina Emma Blair at James Robertson, Horacio dela Costa, at Jose
Arcilla. Kaalinsabay nito, ilalapat ang pag-aaral hinggil sa erihiya, isang pampanitikang
pagtingin sa matatandang kasabihan sa Silang batay sa akda ni Rosella Moya-Torecampo
sa Sibling Bondings and other Value Structures in the Erihiya of Silang, Cavite (2007).
Layunin ng bahaging ito na maitampok bilang isang posibleng yamang bayan ang erihiya
na binubuo ng mga katutubong karunungan. May malaking potensyal ang erihiya bilang
isang batis ng katutubong kamalayan sa Silang bago pa dumating ang mga Espanyol at
magpahanggang ngayon ay ginagamit pa rin.
Ikalawang tampok sa pag-aaral na ito ang pagtalakay sa pagtaguyod ng mga Heswita sa
pananampalatayang Katolisismo sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga retablo taong 1663
sa simbahang itinayo bago ang taong 1640. Gamit ang akda ni Rene Javellana na Wood
and Stone: The Jesuit Art and Architecture in the Philippines (1991), detalyadong susuriin
63
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
ang pangunahing retablo bilang yamang bayan ng Silang gamit ang lente ng mabusising
paglalahad ng sining pangkasaysayan at arkitektura. Patutungkulan din sa bahaging ito
kung papaano ginamit bilang kasangkapang kolonyal ang mga retablo sa pagyabong ng
kamalayan na may akmang pagpapalit-pagpipilit at pag-aanib sa matatandang
karunungan at mga kinagisnan.
Bilang panghuli, susuriin ang panahon ng paglisan ng mga Heswita taong 1768. Sa pagalis ng mga Heswita, isinagawa ang imbentaryo ng mga ari-arian ng residencia at
simbahan na naglalaman ng mga banal na gamit pangsimbahan, mga santo, alahas ng
patron o patrona, at iba pang makarelihiyosong sining. Mula sa dokumentong
Temporalidades ng Pambansang Artsibo, nakasaad ang mga imbentaryong ito at hahanap
ng mga panibagong yamang bayan na masasalamin at siyang itatampok bilang produkto
ng paglalagom ng kamalayang katutubo at kolonyal.
ANG PAGSUSURI SA YAMANG BAYAN
SA PANAHON NG PAGDATING, PAGTAGUYOD, AT PAGLISAN
Sa paglalahad ng mga kasaysayang tampok, hahanap ang pag-aaral na ito ng mga yamang
bayan para sa Silang. Maisasagawa ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga nagbabagong
halagahin at dinamikong kamalayang bayan. Ang mga batis ng karunungan, pangaral, at
gayundin ng mga babala ay nagsasanib sa mga panibagong sanggunian ng buhay dala ng
pag-inog ng panahon. Mula sa pagtingin sa malawakang karanasan at bisa ng katutubong
teolohiya hanggang sa pagyapos at pag-anib sa Katolikong pananampalataya, ang
paghahalo ng kolonyal at katutubong kultura ay matatawag nating lahat na mga yamang
bayan.
Partikular sa Silang, ang erihiya, retablo, at mga banal na hiyas ang siyang kakatawan sa
mga yamang bayan na huhugutin mula sa pangkasaysayang limitasyon ng pag-aaral na
ito. Mula sa rebyung pre-kolonyal sa Silang, makikita na sa pagkakawatak-watak ng mga
katutubo, may makikitang nibel ng kalinangan. Gayong hiwa-hiwalay ang pamayanan,
mababakas sa mga tala ni Chirino sa Relacion de las Islas Filipinas (1581-1606, 1604) ang
pamumuhay agrikultural, pamamahala, at ispiritwalidad sa loob ng pagpasok ng dantaon
17. Kung uunawain ang mga sinaunang Silangueño batay sa katutubong pananaw, mga
tao silang nabuhay sa biyaya ng kalikasan at may mga istrukturang sosyal sa pagitan ng
mga tao, tao sa ibang bukid, tao sa kapaligiran, at tao sa Diyos. Mula sa mga relasyong ito
papaimbabaw ang isang katutubong kamalayan mula sa Silang. Huhugutin mula sa
pagsusuri ni Moya-Torrecampo (2007) ang erihiya bilang isang kabuuan ng matatandang
halagahing-gabay sa buhay ng tao. Mula rito, masasalamin sa erihiya ang katangian
nitong tila may pinag-ugatan mula sa katutubong kamalayan.
64
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Sinabi sa pag-aaral na ito na hango ang erihiya sa wikang Espanyol na ang katumbas ay
“heresy” o kamalayang taliwas sa paniniwalang Katoliko. Dahil dito, nadadama sa erihiya
ang isang katutubong kaugalian na nais supilin. Sa pagpapalawig ng kahulugan nito, ang
erihiya ay hindi alamat, sabing-sambahayan, mahika, pamahiin, bulong o simpleng
katutubong karunungan, sa halip, ito ang kumbinasyon ng lahat-lahat (MoyaTorrecampo 2007, 45). Mula sa kanyang pagbibigay-pakahulugan, masasabing ang porma
ng mga mensahe nito sa kasalukuyan ay maaaring “binago ng” at “pinagsanib sa” kolonyal
na relihiyon upang maging katanggap-tanggap sa nagbabago o “pilit na binabagong”
kamalayan (sariling diin). Kabuuan din ito ng mga halagahing kamalayan na tinatampok
ang siklo ng buhay ng tao simula kapanganakan, kamatayan, at magpahanggang kabilang
buhay (Moya-Torrecampo 2007, 50). Bilang paninimdim sa mga pagpapahalagang
umiinog sa pamilya, kapatiran, kaibigan, kaanakan sa kapwa at sarili, at maging relasyon
ng tao sa hindi nilalang o mga espiritu, lilitaw sa erihiya ang isang katutubong pananaw.
Mula sa pag-aaral bilang isang sining sa wika kaalinsabay sa pagkakabuo nito dala ng
hudyat ng pagsakop, maitatangkilik ng unang pagsusuring ito ang erihiya bilang isang
yamang bayan na may katutubong pinag-uugatan.
Ang ikalawang pagsusuri ay iinog sa kalagitnaan ng dantaon 17. Nilikha sa kaganapan at
imahe ng Panginoon, ang mga tao ay binigyan ng kakayahang makapaglikha hanggang sa
maaaring ipahintulot ng Maykapal. Ginamit ng Kapisanan ni Hesus (Society of Jesus) ang
sining bilang malaking bahagi ng ebanghelisasyon. Ayon kay Gauvin Bailey sa kanyang
artikulo na nakapaloob sa The Jesuits: Culture, Science and the Arts: 1540-1773; Volume 1
(1999), mahalaga sa mga Heswita ang sining biswal sa misyon. Halos lahat ng mga
misyonaryo sa Kapisanan ni Hesus ay gumagamit ng mga larawan upang maisagawa ang
ebanghelisasyon, tulad na lang ni Francis Xavier na may dalang isang maletang puno ng
larawan, lilok, at libro papuntang India, Timog Silangang Asya, at Japan (Bailey 1999, 38).
Ating mahihinuha na masusing pinag-aralan ng mga misyonero ang kapangyarihan ng
larawan upang malampasan ang problema sa wika. Naging mahahalagang daan ang
komunikasyon sa arkitektura at makarelihiyosong sining upang malaganap ang Salita ng
Diyos at maikampanya ang Katolikong paniniwala. Susuriin sa bahaging ito ang mga
naging instrumento ng pananakop.
Nasa estilong barok ang halos lahat ng retablo sa Pilipinas. Ito ang moda ng disenyo na
dala ng mga Espanyol sa panahon ng kalagitnaan ng dantaon 17. Gamit ang retablo sa
pagpapakilala ng kolonyal na paniniwala at debosyon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa
pati na rin sa ibang bahagi ng mundo tulad ng Latin Amerika. Dito sa bansa, maraming
simbahan ang naipatayo ng mga orden na nagsilbing mga banal na sisidlan ng
mararangyang ukit sa kahoy na pininturahan o di kaya’y binalutan ng ginto.
Sumasalamin ang mga relihiyosong lilok sa mithiin ng kolonyang puwersa na nag-aakit
na yumapos at umanib sa mga katutubo. Hindi iba sa paningin ng ating mga ninuno ang
mga taong gawa sa lilok. Sa panahon ng pagtataguyod ng mga Espanyol ng misyon, unti65
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
unting sinira ang mga katutubong imahe na gawa sa kahoy. Kung kaya’t sa pagkawala
nito, mananatili ang mataas na interes ng mga katutubo sa relihiyosong lilok na
ipinapakilala ng mga Espanyol.
Mula sa pagkakalikha ng mga Kanluraning sining, mula sa simpleng kahoy at bato,
naglalang ng mabibigat na halagahing ispiritwal na siyang hahalo sa kamalayang Pilipino
at nagluwal ng mga pagbabago sa halagahing panlipunan. Ipinakilala ng mga paring
Heswita sa mga taga-Silang ang Diyos sa Kaitaasan, kanyang anak na si Kristo na
nagpakasakit sa krus, at ang Espiritu Santo sa anyong liwanag o puting ibon. Ito ang
bumubuo sa Santisima Trinidad ng Katolisismo. Gayundin, inilapit ng mga Heswita sa
puso ng mga katutubo ang ehemplo ng tunay na Kristyanong pagkamasunurin, sa imahe
ni Maria, Ina ng Diyos Anak at itinangi sa lahat ng babae bilang pinagpala. May mga
binuong “kulto” ang mga Heswita para kay Maria (Bargellini 1999, 684) na kadalasang
makikita sa mga simbahan ng nasabing orden at sa isinasagawang malalim na debosyon
dito. Gayundin, ibinahagi rin ng mga Heswita ang litanya ng mga santo upang maging
mga instrumento sa pagtuturo sa mga halagahing Katoliko, pamantayan ng buhay, at
modelo ng Kristyanong pananampalataya sa ilalim ng kolonyang misyon.
Sa pagdaan ng panahon, ang mga halagahing ito ay niyapos ng kaisipan at umanib sa
kamalayan at pangangailangan ng mga indio at pati na rin ng pangkat ng principales. Ang
mga principales ng bayan na siyang malalapit sa simbahan ay minulat sa pontensya ng
tanda at sakramento ng Katolikong paniniwala. Dito, tinangkilik ang bisa ng mga langis,
benindisyong tubig at kandila, mga santo, istampita, iskapularyo, rosaryo, at ilan pang
bagay na ginagamit sa dasal at seremonya ng pagdiriwang ng simbahan. May pag-aanib
ding naganap sa mga pangkaraniwang tao. Ayon kay Rafael (1988, 84), may mga
“kontradiksyon” nga lamang sa pagsasalin bunsod ng kakulangan sa tamang pagsasalin ng
kolonyang katekismo. Ang indio na hindi lubusang nauunawaan ang pagsasalin ay naganib ng mga konseptong hindi kaiba sa kinagisnang paniniwala. Maaaring mula sa
katutubong teolohiya nabuhay ang isang asimilasyon ng mga kaparehong konsepto.
Dahil dito, lumikha ang mga pangkaraniwang tao ng bagay na banal na makikita sa
paniniwala at pagdedebosyon tulad ng kumplikadong sistema ng anting-anting. Ang mga
nakakataas naman sa lipunan na mulat sa Kanluraning gamit pangrelihiyon ay gumawa at
tinangkilik ang mamahaling relikaryo, mga santo na gawa sa garing o ivory na binalutan
ng ginto, pilak, at diamante. Maaaring pansarili o pampamilyang gamit ito subalit may
kakayahan din silang magbigay pa ng mga “binanal” na hiyas sa simbahan bilang
donasyon at nagpapakita ng kanilang katayuan sa buhay. Sa kahit anong antas ng
lipunan makikita ang debosyon ng pagtatago at pagbabahagi ng mga banal at binanal sa
hiyas lalo na kung ginagamit ito sa pagdiriwang. Inilahad ni Reynaldo Ileto ang ilang
kapamaraanan sa “paggawa”5 ng mga banal na hiyas sa kanyang akdang Pasyon and
Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910 (1979, 29-30) kung papaano
maaaring pira-pirasuhin at ibahagi ang mga gamit sa ritwal ng simbahan, mga sulat-papel
66
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
na orasyon, at paggawa ng mga engkantasyon lalo na kung gagawin ito sa panahon ng
Mahal na Araw. Dito mag-uugat ang ikatlong pagsusuri kung saan sa diskurso ng
pagsakop at pagsupil, pagpapalit-pagpipilit, pagyapos, at pag-anib, magluluwal ng
dalawang nibel ng pagtingin ng mga Pilipino sa mga banal na hiyas na siyang mga
instrumento ng dinamikong kamalayang ispiritwalidad. Ang paglalahad sa mga hiyas na
ito ang tampok na yamang bayan ng ikatlong yugto. Sasalaminin gamit ang imbentaryo
ng Temporalidades ang kakayahan ng mga taga-Silang na makapag-ambag sa banal na
hiyas ng residencia at gayundin tatalakayin ang kakayanan ng pangkariwang mamamayan
na lumikha ng sariling bersyon ng mga banal na hiyas.
ANG PAGDATING TAONG 1599
AT ANG ERIHIYA BILANG BASAL NA YAMANG BAYAN
Nagmula sa mga salaysay ni Chirino, isang Heswita, ang mga pinakaunang tala ng
kasaysayan ng Silang. Nilalaman nito ang mga mahahabang kabatiran hinggil sa
panlipunang istruktura at sistema ng paniniwala ng mga katutubo. Kanya ring sinalaysay
ang mga pinagdaanan ng kanyang mga kasamahan sa misyon at mga pagsubok na
hinarap. Isang taon bago pumasok ang dantaon 17, dumating ang mga Heswita sa
bulubunduking gawing timog ng Maynila. Binagtas ng mga misyonero paakyat ang isang
mataas na lugar sa pagitan ng mga halayhay ng kabundukan. Mula sa pagsasalin nina
Blair at Robertson sa jorno-datos ni Chirino, makikita natin ang unang impresyon ng
Heswitang Espanyol sa Silang:
This new field of Silan was assigned to the Society of Jesus from the year 1599,
as the people of those villages, among whom were some Christians, were
without a priest to minister to them, although they were but a day’s journey
from Manila. There are five villages, which contain about one thousand five
hundred inhabitants, besides the many other people who, as is their custom,
are separated and dispersed through the country districts, in their
cultivated lands. These villages are in the tingues, as they call them, of
Cavite, among some mountains; the climate there is very moderate, and in no
season of the year is there excessive heat—rather, the mountains render it
cooler. The people are simple, tractable, and well inclined toward all
good things (Chirino 1604, 191) (sariling diin).
Bago pa man dumating ang Heswita sa Silang, napasailalim na ito sa mga Pransiskano
mahigit sampung taon na ang nakakaraan taong 1585 (Huerta 1865, 559). Sa kadahilanang
hindi kinayang pamunuan ang bayan, nilisan ang Silang noong 1598.6 Ang
encomenderong si Kapt. Diego Jorge de Villalobos 7 ang humiling sa Heswitang Rektor sa
Maynila na ipadala ang Kapisanan sa Silang upang maipagpatuloy ang misyon (Arcilla
67
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
2010, 191). Sina Padre Diego Sanchez at Padre Diego de Santiago ang paunang ipinadala
sa Silang. Sumunod ang mga paring sina Luis Gomez, Francisco Almerici, Chirino, at
Leonardo Scelsi (Unabia 2000, 168) sa pagpapatibay ng misyon at pagtatala ng mga
kaganapan sa bayan. Noong 1611, naging permanenteng misyon ang Silang. Taong 1690,
naging residencia ito kung saan kapanalig ang mga teritoryo na sa ngayon ay mga bayan
ng Indang, Ternate, at Maragondon. Mula sa mga luwal na bayang ito ipinanganak pa
ang ilan sa karatig-bayan na ating nalalaman sa ngayon.
Ginalugad ng mga Heswita ang bahaging ito ng kabundukan. Makikita sa salaysay na tila
ikinatuwa ng mga Espanyol ang malamig na klima ng lugar kumpara sa Maynila. Malaki
ang estima sa dami ng mga naninirahan gayong pulu-pulutong ang mga tirahan sa hiwahiwalay na lupaing sinasaka ng mga angkan. Mula rito, may simpleng lipunan ang
sinaunang Silang na umiikot sa buhay agrikultura. Mataba ang lupain sa lugar na ito
dahil malapit ito sa bulkan sa dulo ng gulod at halayhay. Sa mga akdang Heswita,
pinapangunahan ng positibong pagtingin sa mga katutubo—simple at masunurin ayon
kay Chirino. Maihahalintulad din dito ang mga salaysay ni Diego de Bobadilla (1640) sa
mga Tagalog na pinansin ni Rafael (1988, 84), na tila “kontradiksyon” ang mga susunod
nilang mga tala sa napaunang positibong perspektibo.
Partikular sa Silang, pinasok pa ng mga Heswita ang mga kaloob-loobang bukid at gubat
kung saan nakita ang ilan pang nayong pinaninirahan ng mga katutubong nagsasaka.
Kaagad napansin ng mga Heswita ang pagiging mapamahiin ng mga tao rito at ito ang
naging paraan upang ipakilala ang bagong paniniwala. Dahil sa likas na mapamahiin ang
mga katutubong taga-Silang, naging matagumpay na naipasok sa isip na ang hindi
pagdalo sa banal na misa ay may matinding malas na kapalit.
Through the teaching and good example of those fathers they abandoned
some of their evil practices, and applied themselves to the Christian customs
with good will and pleasure; and many (for there were no Christians among
them) received holy baptism… Not only do they attend their own mass and
sermon on Sundays (never missing one of these services), but on Saturdays
they go to hear that in honor of our Lady, which is said for them with as much
solemnity as that on Sundays. They were greatly encouraged in the
observance of these masses and feasts by the following incident which
occurred at that time: A woman, who was very eager to finish the weaving of
a piece of cloth, sat down at her loom one Sunday to work thereon; afterward,
upon returning to her task, she found the cloth all eaten away by moths. She
herself made this known, with the full knowledge that it had been a
chastisement and penalty for that offense of hers (Chirino 1604, 192)
(sariling diin).
68
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Sinamantala ng misyon ang pagkakataong ito upang unti-unting ipasok ang ritwal at
dogma ng Katolisismo sa mga katutubo. Parang nagawang katatakutan ang hindi pagdalo
sa misa at pagdiriwang ng sakramento. Maaaring naiwan lamang ng babaeng naghahabi
ang tela sa labas ng tahanan kung kaya’t nasira o pinutakte ito ng insekto. Subalit nagawa
ng mga paring Espanyol na bumuo ng isang pananahilang relasyon upang iugnay ang
hindi pagsunod sa kamalasang maaaring matamo o kaya nama’y ang pagkagalit ng Diyos
na Espanyol. Maging ang isang katalonan na tagapag-alaga ng katutubong karunungan
ay nagawang himuking maging isang katekista. Isa ito sa mga rurok ng pananakop, ang
pag-ayon at pag-anib ng isang lokal na lider ng ispiritwalidad. Ang pagkakataong maging
ang isang katalonan ay naging tagapagbigay ng Mabuting Balita ni Kristo ay
napakagandang bunga ng kolonyal na ebanghelisasyon. Si Diego Magsanga,8 sinasabing
isang bulag na katalonan kasama ng kanyang asawa na isang hilot, ay nagpabinyag sa
bagong pananampalataya (De la Costa 1961, 203). Kung papaano naging matagumpay si
Diego Magsanga sa pag-unawa ng Katolisismo gayong bulag siya at hindi nakakaunawa
ng Latin at Espanyol ay hindi natin malalaman, subalit sa tala ni Chirino, sinabing naging
matagumpay ang pag-alyado ng dating katalonan sa mga Heswita at maaaring naging
gabay ito sa ilan upang tangkilikin ang bagong paniniwala.
To assist us in instructing the large number of catechumens in those villages,
and in teaching the doctrine to the innumerable children who assemble at the
mission from all the settlements, our Lord provided for that work an Indian
blind in body but truly enlightened of soul, who, with great faith, charity,
and love for the things of God, instructs those who wish to be baptized,
catechizing them morning and night in the church. He is so expert in the
catechism that none of us could excel him therein… Consequently, they come
from his charge marvelously well instructed; and, although he is blind, he is
so watchful over the large number of catechumens in his charge, that he
notes if even one person is absent, and reports it to the father. The first time
when he received communion, which was on the feast of our Lady, he
displayed such profound respect and reverence that his body trembled
while receiving the holy sacrament, and so great devotion that the sight of
it inspired that emotion in others… This man deserves all the greater credit
for what he is doing, for having gone from one extreme to another; formerly
he was one of the heathen priests, whom they here call catalones, and now
he has become a preacher of our holy faith. This he relates, while uttering
fervent thanks and exalting the great favors and benefits which God has
bestowed upon him (Chirino 1604, 192-193) (sariling diin).
Ginamit ang katutubong pananaw sa pag-ibig, kabutihang loob, at kawanggawa—o mga
unibersal na paniniwala sa kahit anong Pananampalataya kung kaya’t madaling
naunawaan ng mga katutubo ang bagong konspetong ito. Binanggit sa pagsasalin mula
69
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
kay Chirino ang mga katagang “love for the things of God” kung saan maaari nating
isandig sa basal na pag-unawa sa pagrespeto sa lahat ng Likha ng Lumikha. Mababasa sa
pariralang ito ang katutubong teolohiya; lalo na kung tutuunan ng pansin ang pagrespeto
sa Diyos na lumikha at gayundin sa bagabag sa mga bagay sa kapaligiran na may
kaluluwang sumasapi. Dala-dala ni Diego Magsanga ang matandang karunungang ito sa
kanyang kamalayan subalit niyapos pa rin niya ang sakramento ng komunyon. Sa
puntong ito, tila sinaniban at yumanig pa ang katawan ni Magsanga sa pagtanggap ng
ostya. Isang bagay na karaniwang ginagawang moda ng komunikasyon ng mga katalonan
tuwing nakikipag-usap sa (mga) Diyos o kaluluwa. Hindi naman ito minasama ng mga
paring Heswita, sa halip, ginamit nila ito sa kapakinabangan. Ang katalonan na naging
katekista ay isinabuhay at isinagawa ang doktrina ng Kristyanismo. Tila naging madalian
ang yugto ng pagsakop at pagpapalit-pagpipilit dahil sa isang alyadong ito, ngunit hindi.
Binanggit sa tala na isa lamang si Magsanga sa mga “heathen priests” na lumalaban;
ngunit sino ang iba pang katalonang ito? Nasasaan sila sa yugto ng komunyon ni
Magsanga? Sa isang kakatwang pagbasa, maaari kayang ang pagyanig ng katawan ni
Magsanga ay hindi dahil naramdaman niya ang yapos ng Diyos na Espanyol, sa halip ay
nangilabot sa lasa ng ostya at alak, sa paggunita ng pinasukang buhay, at pagtalikod sa
mga kasamahang katalonan?
Mas pinasidhi ng mga Heswita sa mga katutubong taga-Silang ang kamalayan na ang mga
kamalasan, salot, at panganib sa labas ay dulot ng demonyo na siyang naghahasik ng sakit
at kamatayan sa kanayunan. Sa talang-salin kay Chirino, sinabing binaybay ng mga
Heswita sa loob ng maraming taon ang kabukiran, tumawid sa mga malalim na ilog, at
umakyat sa mga katarikan. Gamit ang armas ng pananampalataya—mga dasal,
bendisyon sa may sakit, at pagbibinyag, unti-unting naakit ang mga lokal na tao na
magpasailalim. Tila sinasabing magiging ligtas ang buhay kung susunod na lilipat ng
tirahan sa cabecerra. Base sa talang sulat ni Padre Gregorio Lopez na kalakip sa datos ni
Chirino:
Early in my stay there, the people told me that in Caibabayan was a
catalonan, or priestess; and in order to cut the thread of evil and to gain a
knowledge of those distant fields and peoples, I went thither, desiring to act
toward them as a father rather than as a judge; and the Lord, who is the true
Father of all, fulfilled my desire. Finding no present evil, but only the report
of past things, I sought to reestablish the reputation of the person whom
they defamed. I found in one of the most distant fields, an old man about
seventy years of age, who was crippled and had been sick for days. I baptized
him, giving him the name of Ignacio, and invited many others who had not
even been baptized—encouraging in them the desire for so great a good,
helping them to learn what was necessary, to which they commonly give
attention. Word was sent from one to another among those mountains and
70
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
plantations, and those people followed me about with tokens of love and
offered to entertain me. Afterward were baptized there many persons of all
ages—children, youths, and old men. A few days ago I was informed that in
the villages of Malabag, Balete, and Dinglas there were many sick persons
who needed help. I set out in the morning… when I arrived there and saw the
needy condition of the people; I changed my plan, for I found in Malabag
many sick persons. After I had cared for them I heard the confessions of
many who were infirm and old, and those who wished to guard against the
malady which was attacking many of them... I passed on to Balete and found
that it had become a hospital. I went through all the houses to hear
confessions, but could not finish them on that day; so I continued this task on
the following day, and then went to Dinglas, where I found the same needs.
All, both the sick and those in health, were greatly consoled by my visit; and
finally I returned to Silang in the night… The great activity and solicitude of
the father, who is my companion, was of great value to me in this as in all
other matters; and the coming of the father rector and Father Diego Sanchez,
who assisted us here until Lent, was most valuable, adding more energy and
ability to our forces, and consoling and encouraging those people with
suitable instruction (Chirino 1604, 195-196) (sariling diin).
Mapaghihinuha natin dito ang pagpupursigi ng mga Heswita na bisitahin ang kapaligiran
ng Silang. May mga nagbabala tungkol sa isang katalonan sa Caibabayan at nagsabing
kung malalampasan niya ito ay malalaman siya ang nasa sa ibayo. Tila may siraang
nagaganap sa pagitan ng mga katutubong binyagan at di-binyagan. Sino pa ba naman
ang magsasabi nito sa paring Heswita kundi ang mga taga-Silang din? Maaaring dala ang
tensyong ito ng nagaganap na malawakang sakit noong panahong iyon. Maaaring iniisip
ng mga katutubong nabinyagan na mauubos ang biyaya at proteksyong sinasabi ng mga
Espanyol kung dadami sila. Subalit sa kamalayang Kristyanismo, ang biyaya ng Diyos ay
di nauubos.
May mga nayon na ng Caibabayan, Balite, Dinglas, at Malabag bago pa man naitatag ang
lahat ng kanayunan sa ilalim ng iisang pueblo de Silan (tingnan ang mapa sa sunod na
pahina). Subalit dito rin sa mga nayon na ito makikita ang peste, sakit, at kahirapan ayon
sa mga Heswita. Nagbibigay-impresyon lamang ito na tila binibigyang-diin na nasa
“labas” ng kolonyal na bayan namumutawi at naglalagi ang mga demonyo at kamalasan.
Kaalinsabay ng pananaw na ito, tanging ang pag-angkla sa Espanyol na pamumuhay at
paniniwala ang sasawata sa sakit at malas at siyang sasagip sa mga katutubo. Kung kaya’t
ang mga naninirahan sa kanayunan ay hihimuking dumulog sa kapilya upang dumalo sa
mga banal na sakramento.
71
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
MAPA
Caibabayan, Balite, Dinglas, at Malabag
Isang rekonstrusyon ng mapa upang makita ang layo ng mga baryong nabanggit sa tala ni Chirino. Hango
ang mapa sa PBS 2001-2011.
Matinding nakatimo sa lokal na pag-iisip ang pananahilang relasyon sa kalagayan ng
buhay ng tao, kabuhayan nito, at kalikasang ginagalawan. Dito ipinako ng mga
misyonero ang pansin. Magagamit ang pagiging mapamahiin ng mga katutubo.
Madaling maipapasok ang bagong paniniwala kung makikita ng katutubo ang kabuluhan
nito sa pang-araw-araw na buhay. Sa pagkakaparis na ito, maaaring madaling napaniwala
ang isang katalonan upang yapusin ang katekismo. At kung ang pinuno ng katutubong
karunungan sa katauhan ng katalonan ay kanilang napasunod, marami ang mahihimok
nito. Ito ang naging susi sa pagbabagong-loob ng mga katutubo. Ginamit ng mga paring
Heswita ang kumbinasyon ng sosyal at pulitikal na pamamaraan upang magdulot ng
pagsasanib ng taal at dayuhang paniniwala. Subalit hindi ito nagawa sa madaliang
panahon. Mula sa tensyon ng pagsakop at pagsupil, unti-unting isinasagawa ang
pagpapalit-pagpipilit sa kamalayan. Magandang balikan ang kaninang inilahad na sulat
72
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
ni Padre Lopez na mukhang madaliang isang araw lamang ang malawakang paghimok sa
pagbibinyag, subalit dumaan din ang ilang taon sa kanyang pamamalagi sa visita ng
Silang. Tinatayang ilang dekada rin ang lumipas para makapagpatayo ang Heswita ng
simbahan; halos 45 taon din ang lilipas bago pa maitayo ang matibay na istrukturang bato
na nakikita natin sa ngayon. Hindi naging madali at mabilis ang proseso ng pagsakop,
pagsupil, at pagyapos sa Katolikong paniniwala. Ilang dekada rin ang tunggalian. Ito rin
ang “kontradiksyon” na tinutukoy ni Rafael. Makikita ang tunggalian sa pagitan ng
kolonyal na puwersa at mga katutubo, at maaari rin sa pagitan ng kapwa katutubo. Dito,
naganap ang pagsakop sa kalupaan, sa pagpapalaganap ng misyon, sa pagtatayo ng
cabecerra at visita, sa paglilipat ng tirahan ng mga katutubo, at sa pagtataguyod ng mga
residencia at naglalakihang simbahang bato; subalit may mga bagay na nanatili, lalo na sa
kamalayan, na di masusupil.
Ang Erihiya. Pauna nang binanggit na may mga bagay na nanatili sa kamalayan kahit na
mapasailalim ito sa isang masidhing layunin na masakop at masupil. Totoong naging
malaki ang implewensya ng mga Espanyol sa kamalayang Pilipino at kung minsan ay
mahirap nang ungkatin ang pagkakatutubo lalo na ng mga Tagalog. Gamit ang isang
sosyolohiyang pananaliksik sa panitikan na akda ni Moya-Torrecampo (2007, 36-77), ang
masalimuot na istruktura at pinagmulan ng sama-samang pamahiin, paniniwala, at
kamalayang lokal sa bayan ng Silang ay tinawag na erihiya. Sa kanyang pag-aaral,
tinuunan niya ng pansin ang leksikong pagkakaiba-iba nito bilang isang makatang sining
sa wika. Laman ng sining na ito ang maraming katutubong karunungang minamanamana at ipinapasang-bibig.
Nabanggit rin ni Moya-Torrecampo (2007, 45) na hango ang erihiya sa wikang Espanyol
na ang katumbas ay “heresy.” Mga kamalayan itong taliwas sa paniniwalang Katoliko at
maaaring isang katutubong kaugalian na nais supilin. Sa kanyang pagpapalawig, ang
kahulugan ng erihiya, sinabing kumbinasyon ng lahat-lahat: alamat, sabing-sambahayan,
mahika, pamahiin, bulong, at iba pa. Tinatampok sa mga mensahe ng erihiya ang siklo ng
buhay ng tao, at ayon kay Moya-Torrecampo (2007, 50), tungkol ito sa kapanganakan,
kamatayan, at magpasakabilang buhay. Subalit base sa mga listahan ng erihiya ng Silang,
mas mapapalawig ito kung hihimayin natin ang tatlong nibel ng siklo hindi lamang sa
pag-ugnay sa pansariling kapakanan. Ang erihiya ay tumutugon din sa sariling
kapanganakan at maging sa pag-aanak ng kapamilya o ng iba, sa kaligtasan ng sarili,
asawa, pamilya, at kapwa, punto ng sariling kamatayan o kamatayan ng kapamilya at ng
iba, at pati na rin sa mga pabiling mensahe kung hahantong sa kabilang buhay at
gayundin sa mga taong maiiwanan ng yumao. Sa mas pinalawak na sakop ng mensahe ng
erihiya maiiugnay ang sinasabi ni Moya-Torrecampo (2007, 50) na isa rin itong
paninimdim sa mga pagpapahalagang umiinog sa pamilya, kapatiran, kaibigan, kaangkan,
at maging relasyon ng tao sa hindi nilalang o mga espiritu. Mga halimbawa sa pag-aaral
ng erihiya:
73
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ayon sa matatanda, huwag magtuturo, baka ka manuno.
Ay ang sabi ng matatanda, kakain ng matatamis ang bagong kasal
pagnagpang-akyat na sa kabahayan.
Ay nakow, ayon sa matatanda, huwag kang magpanuro sa pulo kapag kagat
na ang dilim nang ganyan (Moya-Torrecampo 2007, 48).
Ang erihiya ay sumusunod sa isang huwaran o porma ng pagkakasunod-sunod ng mga
salita ayon kay Moya-Torrecampo (2007, 49). Kadalasan, may panimulang pormula ito ng
magalang parunggit sa nakakatanda at kasunod nito ang pagsasabi ng erihiya na
maaaring may positibong-utos na panimula tulad ng “kailangan ang…” o “dapat…” at
susundan ng mensaheng dapat banggitin. Maaari rin itong may negatibong panimula na
nagbibigay-babala, tulad ng “huwag…” o “bawal ang…” kasunod ang mensaheng nais
iparating.
Ang porma ng erihiya bilang mga pariralang patula ay isang buhay na sining. Makikita
dito ang pagbibigay-galang sa nakakatanda at maging ang paggamit at pagsunod dito ay
nagpapalagay ng halagahing paggalang sa salinlahi—isang pagpapahalaga na binuo,
iningatan, at ibinabahagi. Kapansin-pansin din sa mga piniling halimbawa mula kay
Moya-Torrecampo (2007, 48) ang dinamiko ng sarili at paggalang sa kapaligiran. Ang
pagturo sa paligid ay itinatalagang isang kalapastanganan sa kalikasan. Nagsasabi ito ng
isang kamalayang taal na may mga bagay sa paligid na di nakikita at maaaring
makapanipyaho sa simpleng pagtuturo sa mga ito. Masasalamin dito ang kapangyarihan
ng kalikasan sa ating katutubong teolohiya kung saan sumasakatawan ng kaluluwa sa
paligid ang mga puwersang maaaring sumapi, humadlang o gumabay sa mga tao.
Binigyaang diin ng pag-aaral ni Moya-Torrecampo (2007, 51) ang panganganak or paganak bilang pangunahing paksa ng erihiya sa kamalayang Silang. Simula pagbubuntis,
pagluluwal, at magpahanggang sa paglaki ng bata, may mga pangaral ang erihiya na
gumabagay sa mga magulang batay na rin sa payo ng mga nakakatanda. Ilan sa mga
halimbawa mula sa pag-aaral ni Moya-Torrecampo:
Sa pagpapangalan: Bago pangalanan ang anak, ikonsulta muna sa
maniningin ang napiling “alan.”
Sa pangangalaga: Huwag na huwag babati ng bata kapag ika’y galing sa
arawan (Moya-Torrecampo 2007, 51).
Mga karagdagang halimbawa na magpahanggang ngayon ay ginagawa:
Sa pagbubuntis: Dapat ingatan ang paglilihi at kakanin at baka sa bata ito
masalin.
74
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Sa panganganak: Dapat na ipabuhos-tubig agad ang bata bago binyagan
para maging malakas at ligtas.
Sa panganganak: Huwag agad paliliguan ang nanganak kung hindi siya ay
hahangin at mabebenat.
Sa pagpapalaki: Dilaan o lawayan mo ang bata, baka iyong nabati.
Sa pagpapalaki: Huwag hayaang matulog ang bata kapantay ng mga
nakakatanda at baka siya ay mapariwara.
Sa pagpapalaki: Kailangang bulungan ang mga batang natutulog, hipan din
ng hangin upang sila ay maging masunurin.
Gayundin, tinatali ang erihiya sa mga paniniwalang may kinalaman sa buhay-pamilya.
May ilang halimbawa na hindi lamang tila pangaral subalit may halo ring mahika. Mula
sa salitang kaputol (ng pusod), ginagamit ito ngayon sa kolokyal na pananalitang utol.
May erihiya ring tila “nagbibigay-reseta” sa kung ano ang nararapat na gawin upang
makamtan ang ninanais:
Sa isang pamilya, ang pusod ng bawat batang inianak
ay kinukuha’t isinasabit sa ibabaw ng kalanan
at pinauusukan hanggang sa matuyo.
Kapag ang pinakahuling anak
ay nariyan na’t buo na ang magkakapatid,
iyong mga pusod ng magkakapatid ay iniihaw
at dinidikdik na parang pulbos at saka ibinubudbod sa lugaw.
Siyang ipinakakain ito sa magkakapatid.
’Di nila dapat malaman kung ano ang nasa nilugaw (Moya-Torrecampo,
2007, 52).
Ang kaugaliang ito ay naglalayong magbigkis sa mga magkakapatid. Pinutol mula sa
iisang pusod, pinagsasanib ngayon sa pamamagitan ng pagkanin nito.
Nakapangingilabot, subalit tila hindi ito kaiba sa komunyon ng Katolikong paniniwala
kung saan nagsasalo-salo ang mga Kristyano sa representanteng dugo at laman ni Kristo.
Mula sa ritwal ng pagkanin, maiisip natin ang ilang panlipunang kasanayan kung saan
pinag-iisa ang loob ng mga katropa sa pag-inom ng mga kaibigan sa iisang baso; gayundin
ang pagsasalo sa plato at baso ng mga bagong kasal; at ang pagtitibay ng samahan ng
angkan at kapamilya sa pagsasalo sa isang hapag ng handaan magpahanggang sa
pagsasalo sa plato at baso kung kinulang sa kubyertos. Bilang kabuuan, makikita rin ang
erihiya sa kabuuan ng ugali at kamalayang Pilipino. May matatandang karunungan sa
ibang pang bahagi ng kapuluan na masasalaming katulad ng erihiya ng Silang.
Pagtangkilik sa Erihiya bilang Yamang Bayan. Sa paglalagom ng unang yugto, ang
pagtangkilik sa erihiya bilang isang yamang bayan ay dahil sa tatlong puntos. Una,
75
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
nagawa ni Moya-Torrecampo (2007, 36-77) na tukuyin ito bilang isang makasining na
pinagsama-samang karunungan at gabay angkin ang isang patulang talata. Dahil dito,
naituturing itong isang yamang bayan sa wika ng mga taga-Silang. Subalit may mas
pumapailanlang pa rito.
Mula sining, ang erihiya ay isang repleksyon ng nakaraan at isang kamalayang basal sa
mga taga-Silang bilang batis ng katutubong karunungan at kamalayan. Kung babalikan
ang yugto ng pagsakop at pagsupil, isang halimbawa ang erihiya ng isang kamalayang
hindi nasupil. Maaaring ang mga babaylan at katalonan na hindi nabinyagan ang siyang
nagpatuloy ng karunungang ito. Tandaan na isa lamang si Magsanga sa tila madaming
pang pinunong ispiritwal ang nakaengkwentro ng mga Heswita. Makikita sa erihiya ang
elemento ng pagkakatutubo: ang buhay na nakasandig sa kalikasan, pagkakaroon ng
magkakaugnay na relasyong sosyal sa pagitan ng tao, pamilya, kapwa, nakikita at di
nakikitang kalikasan, at sa Diyos. Ito ang mga relasyong pumapaimbabaw sa katutubong
kamalayan. Kung babalikan ang mga tala ni Chirino (1604, 191-193) sa likas na
pagkamapamahiin ng mga taga-Silang, dahil kaya rito nagkaroon ng pagkakataon na ang
isang matandang karunungan ay nanatiling buhay at nagpasalin-salin? Maaari. At
gayundin tandaan na may mga katutubong katalonan maliban kay Diego Magsanga ang
di-nagpasakop at nagtago sa kabundukan ng kanayunan, marahil isa rin itong
kadahilanan kung bakit ang erihiya ay nanatiling buhay at naipamana.
Ikatlo at panghuli, sa katangiang mapagsalin-salin ito sa bibig, gumagabay ang erihiya sa
sinauna at kasalukuyang panlipunang relasyon sa Silang. Isa itong buhay na yamang
bayan na may kakayahang magturo o magsambit ng panganib bilang babala sa kapwa. Ito
ay may kapangyarihang mangaral bilang mga pabaon sa mga susunod na henerasyon.
Kung mapagsasama-sama at maikakategorya lamang ang lahat ng erihiya, isa itong
napakagandang pagkakataon upang makuha ng buong-buo ang katutubong kamalayan
bilang yamang bayan ng Silang.
ANG PAGTAGUYOD NOONG TAONG 1663
AT ANG MGA RETABLO BILANG YAMANG KOLONYAL
Ang simbahang bato ng Silang ay itinayo bago magkalagitnaan ng dantaon 17. Bago nito,
nakapagpatayo ang mga Pransiskano ng kapilyang kahoy pati na rin ng isang maliit na
paaralan. Sa paglipat ng parokya sa ilalim ng mga Heswita at gayundin ng lokasyon nito,
pinalaki ang sinabing paaralan subalit nasunog ito taong 1603.9 Hindi sigurado ang
tamang taon kung kailan nagawa ang simbahang bato. Sa mga datos ng Pictorial Records
and Traces of the Society of Jesus in the Philippines and Guam Prior to 1768, nasusulat na
tinatayang itinayo ni Fr. Juan de Salazar ang simbahan sa ngayon at natapos ito bago ang
76
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
taong 1645 (Repetti 1938, 166). Kanyang nahinuha ito mula sa mga tala ni Pedro Murillo
Velarde.
In 1640, an indio of Silang named Andres found a box containing an image of
the blessed of the Blessed Virgin in the mountains of Silang. A friend who saw
the image was enraptured by its beauty asked if he could have the image, and
Andres without any hesitation gave it to him. The image became very
popular among the Indios who had recourse to it in moments of need. A
tabernacle was built for the image and the people would gather around it
daily to pray the rosary. On 30 January 1643, the Indio left on a journey
forgetting a vow inherited from his ancestors to keep Fridays scared. On
returning home he found the tabernacle empty. Repentant and distraught he
searched for the image and found it… he begged for forgiveness and returned
home. Nine times the image disappeared and was found again… he sought
the advice of a Jesuit rector… [and] ordered the congregantes to make vigil…
brought to the church, accompanied by a festive procession of dancing, music
and other manifestations of joy. The image was placed on the retablo of the
gospel side. Devotion to the Virgin increased so that the image received gifts
of jewelry, a gold crown, a vesture of chased silver and other ornaments—
votive offerings to the Virgin (Javellana 1991, 204).
Mula sa salaysay na ito, makikita natin na may nakatayo nang simbahan taong 1643.
Gayundin, nasimulan na o maaaring tapos na rin ang retablo sa kaliwang bahagi batay sa
salaysay ng pagdadambana ng tabernakulo ng poon. Ang eksaktong petsa na napapaloob
sa tala ay disperas mismo ng kasalukuyang kapistahan ng bayan. Magpahanggang
ngayon, tatlong araw itong ipinagdiriwang sa loob ng ika-1 hanggang ika-3 ng Pebrero.
Itinangi ang simbahan sa Birhen ng Candelaria o sa Puripikasyon ng Ina kung kailan ang
mismong petsa ng kapistahan ay ika-2 ng Pebrero.
Malaki at matatag ang buong istruktura subalit walang ornamentasyon na kilala sa
magarbong estilo ng Heswita. Kumpara sa ibang likha ni Padre Salazar sa Antipolo at
Taytay, walang rangya ang panlabas na estilo na tipikal sa isang gusaling barok. Batay sa
akda ni Javellana, “Silang’s façade is simple…lacks grace [as] the façade is low and squat.
Like its exterior, Silang’s interior is simple. No ornaments on the pilasters, windows placed
high along the walls” (Javellana 1991, 58). Kung itatanong bakit hindi na nagawang lagyan
ng palamuti ang labas ng simbahan ay sapagkat namatay na si Padre Salazar taong 1645
na siyang nangangasiwa rito. Tinatayang noong naging provincial si Salazar, kanyang
naipagawa ang mga simbahan sa Antipolo, Taytay, at Silang. Subalit kung ano ang
ikinasimple ng disenyo nito sa labas, ang siya namang ikinarangya ng loob nito.
77
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Katulad ng ilang simbahan sa bansa, ang gawaing polo y servicio ang kapamaraanan sa
pagtatayo ng misyong simbahan. Sa Silang, inasahan ang mga kalalakihan na maglaan ng
panahon sa pagtratrabaho para sa gawaing simbahan sa loob ng isang taon. Gayundin
ang mga kababaihan at mga bata ay inasahang tutulong sa pagbubuhat ng mga durog na
bato (Unabia 2000, 169). Maaari rin namang may mga kasamahang manggagawang Tsino
ang napasali sa paggawa sa simbahan ng Silang sapagkat sinasabing mas may kaalaman
ang mga ito na magtayo ng gusali gamit ang bato samantalang eksperto naman ang mga
Pilipino sa gawaing kahoy at kawayan (Lico 2008, 134). Kadalasan ang mga kolonyal na
simbahan ay hubog sa krus na Latin kung saan ang dalawang malaking bulwagan ay
magkrurus sa porma. Tinatawag na transept ang pahalang na mas maliit ang haba
kumpara sa padiretsong nave. Tinatawag na apse ang puntong pinagsangahan ng
dalawang bahaging ito.
Ang natapos na simbahan ay gawa sa bato: may makapal na haligi at dingding. Matataas
ang malalaking bintana sa harap at gilid na animo’y nasa ikalawang palapag. Malaki rin
ang pintuan ng simbahan na yari sa kahoy. May palapad na pedimento ang tuktok ng
gusali, di gaanong kataasan, at may dalawang pinyal na parang sibat sa magkabilang gilid.
May apat na palapag ang kampanaryo na may maliliit na bintana na kadikit ng gusali.
Kuwadrado ang unang palapag samantalang ang ikalawa, ikatlo, at ika-apat na palapag ay
may walong gilid o oktagonal. Mula sa katalogo ni Javellana (1991, 204),10 makikita ang
mga pagbabago sa simbahan, taong 1880 nasira ang ika-apat na palapag at makalipas
mahigit ng isang daang taon, noong 1989, naibalik ito sa dati nitong taas. Napalitan ng
tisa ang dating kahoy na sahig noong 1937. Noong 1950, nasunog ang kisame at pinalitan
ito ng panibagong kisame isang metro ang layo mula sa orihinal.
Binibigyang-pansin ng pag-aaral na ito ang buong istruktura at kapaligiran ng simbahan.
Mapapansin na itinayo ang buong gusali sa isang mataas na bahagi ng lupa. Mula rito,
mauunawaan sa lugar at disenyo ng gusali ang ilang konsiderasyon o pangangailangan
nito. Una ay suriin ang kalidad ng pagkakagawa. Ang makakapal na dingding na yari sa
bato ay posibleng pananggalang sa mga tulisanes galing bundok. Ang mga solidong bato
ay siguradong nagbigay proteksyon sa loob ng simbahan at sa mga yamang tinatago rito.
Nagbibigay rin ng proteksyon ang mataas na lokasyon nito at gayundin maliliit at
matataas na bintana.
Maihahalintulad sa isang kastilyong midyibal ang buong
konstruksyon gayong panahon na ng barok sa estilo sa Kanluran. Ikalawa ay ang taktikal
na aspeto sa pagpapakita ng kapangyarihan. Mapapansin na ang simbahan ang
pinakamalaking gusali sa buong lugar. Ito ay simbolo ng rangya at kapangyarihan.
Gayundin, tanging ang mataas na kampanaryo ang magbibigay-bista sa karatig-lugar
upang malaman ang mga posibleng paparating o pangmasid sa mga kabahayan sa paligid.
Nakapagtaguyod ang mga Espanyol na Heswita ng isang matatag na simbahan sa Silang at
napagtibay ang pagbuo ng isang kolonyal na komunidad. Sinasabing matagumpay ang
misyon sa bayang ito sapagkat iniangat sa estado ng residencia ang Silang. Sa
78
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
pagpapatibay nito, nangalaga at sumasakop ang simbahan sa bulubundukin ng Indang, sa
mga tabing-dagat na pamayanan ng Maragondon at Ternate, at pati na rin sa isla ng
Marinduque kung saan pinapamahalaan ang misyon ng Boac, Gasan, at Sta. Cruz sa ilalim
ng residencia. Isa rin sa masasabing katagumpayan ng misyon ang pagkakayari sa tatlong
malalaking retablong kahoy sa loob ng simbahan ng Silang na ilan sa pinakamagandang
modelo ng retablong barok sa Pilipinas.
Ang Retablong Barok. Sa malawak na pag-aaral ni Bailey, isang kilalang iskolar sa
Heswitang Sining, pinatungkulan niya ang estilong ito bilang napakamalikhain na tila ang
mga kahoy at bato ay nagmistulang mga burdadong disenyo (Bailey 2010, 1). Sa kanyang
pag-aaral sa mga simbahan ng Latin Amerika, kanyang nabanggit ang mahahalagang pagaaral ng disenyong ito sa Pilipinas. Nagbigay-pugay si Bailey sa dalawang iskolar ng bansa
sa pag-aaral ng Heswitang arkitektura at kolonyal na simbahang arkitektura, sina
Javellana at Regalado Trota Jose (Bailey 1999, 59).
Ang akda ni Jose na Simbahan: Chruch Art in Colonial Philippines 1565-1898 (1992) ay
nagbibigay ng mayamang depinisyon at terminolohiya. Kanyang binanggit na ang mga
lilok na santos ay maaaring tawaging de bulto o nakatayo, de gonze o lilok na nagagalaw
ang kamay, paa at ulo, at ang de bastidor o lilok na may piramidal o konikal na dibuhong
katawan subalit may detalyadong ulo at kamay. Para sa mga altar at retablo ang
naglalakihang lilok sa simbahan, kadalasang gawa ito sa kahoy o maaari ring sa bato. Ang
mas mamahaling lilok na gawa sa garing o ivory ay para sa mas maliliit na rebulto o
maaaring sa mas maliliit pang bahagi ng santo tulad ng mukha o rostros at mga kamay na
may kahoy na katawan. Ang mga lilok na panglabas ng simbahan ay hindi kasing
detalyado ng mga lilok na gamit panloob. Gayundin, mas ginagamit ang bato sa mga
panlabas na lilok at kahoy o garing naman sa mga panloob. Kadalasan ito ay makukulay.
Sa mas mararangyang simbahan, ang mga laylayan ng damit ng santo ay binabalutan ng
ginto gamit ang kapamaraanang estofado upang lumitaw na tila tela ang damit.
Makikitaan ng mas maraming detalye tulad ng kuko, ngipin, guhit ng mata, at kahit
pilikmata ang mas maliliit na lilok na yari sa kahoy o garing. Ginagamitan ng brutsa na
gawa sa buhok ng pusa ang mukha ng mga santong lilok upang makuha ang realismo ng
kulay na tinatawag na encarnacion. Para sa mata, gumagamit ng bubog upang maging
mas makatotohanan ang paningin ng santo. Ginagamitan naman ng buhok ng pusa ang
pilikmata nito. Ang caballeros ang magsisilbing buhok ng santo na yari sa buhok ng tao,
tinintang hibla ng abaka o kaya nama’y pinya (Jose 1992, 120-126).
Mula sa mga salitang Latin na retro at table, inilalagay sa likod ng altar ang mga grupo ng
lilok na santong gawa sa kahoy. Ang sining ng retablo ay ang pagsasaayos at
pagkakapatong-patong ng mga santong kahoy na pinapalamutian ng iba’t ibang elemento
ng disenyong barok bilang mga banal na sisidlan ng mga nito. Makikita ang sinabing
estilo sa halos lahat ng simbahan sa kapuluan lalo na kung ginawa ito noong dantaon 17.
79
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ginamit ang mga retablo bilang instrumento sa pagpapakilala sa mga kuwento, akda,
tanda, at sakramento ng Kristyanismo. Mula sa mga Kanluraning modelo, nagpagawa
ang mga paring Espanyol ng naglalakihang lilok at ukit upang mapalamutian ang loob ng
tahanan ng Diyos at upang magamit din sa katekismo. Malaking ambag ang mga retablo
sa malawakang kolonyal na pagsakop gamit ang ebanghelisasyon. Makulay na larawan
din ng bagong paniniwala ang mga retablo. Ang matatayog na lilok na ito ang
kumakatawan sa buhay-huwaran na kailangang tularan ng mga Kristyano. Sa mga
titingin, di mapipigilang itaas ang ulo upang tingnan ang mensahe nito na waring
tumingala sa langit.
Sa kanyang akdang Jesuit Devotions and Retablos in New Spain, pinaksa ni Clara Bargellini
(1999, 684) ang mga Marian-based cult na kadalasang makikita sa estilong Heswita ng
mga retablo. Sa pag-aaral na ito, tatlo ang kanyang nakilalang imahen ng birhen: ang
Birhen ng Loreto, ang Birhen ng Dolorosa, at ang Birhen ng Liwanag. Bilang
pagpapatunay, mababakas ang mga imaheng ito sa tala ng Temporalidades. Ngunit sa
pista ng Presentasyon, itinangi ang retablo ng Silang, kung titingnan ang mga
kasaysayang aklat ng mga Heswita, kinikilala rin ito bilang pista ng puripikasyon ng
Mahal na Ina simula pa noong 1601 kung saan naganap ang maraming pagbibinyag sa
bayan (Arcilla 2010, 192-196).
Binubuo ng tatlong bahagi ang mga retablo ng Silang: ang dalawang magkabilang gilidaltar sa transepts ng simbahan at ang altar-mayor sa gitna nito. Batay sa malawakang
pag-aaral ni Javellana, kanyang binigyang-deskripsyon ang dalawang gilid na mga altar or
colaterales ng simbahan ng Silang:
…the altars at the transepts are mirror image of each other. Both are triplestoried. All employ relieves except at the central niche of the second story.
First and second stories contain three sections each, the third a single
section. Both utilized fluted Ionic columns for the first story and Corinthian
columns for the second and third. The central niche is surmounted by a
triangular pediment where stands a putto with a shield. Pineapple finials
flank the crowning pediment and above the second story on either side stand
putti in the attitude as the higher one. A cascade of volutes and bunches of
fruits resembling papayas link the third story of the retablo to the lower ones.
These end in volutes reminiscent of coiled millipedes. Volutes flank the first
and second stories. Again coiled millipede-like designs appear at the first
story. Angel faces jut out of the center of the second. Horizontals are divided
by repetitive bands of flora, angel faces in front view, and crenalations
resembling acanthus leaves (Javellana 1991, 116).
80
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Inihahandog sa mga santo ang dalawang retablong ito. Ang retablo sa kaliwa ay
kumakatawan sa mga babaeng santo at ilang santo ng Bagong Tipan, gayundin, ang mga
martir na nagbuwis ng buhay alang-alang sa pananampalataya. Ang nasa kanan naman
ay ang kalipunan ng santo at mga pinagpipitagan ng mga Heswita. Nagpapakita rin ng
mga tanda ng pagkasanto ang mga relihiyosong simbolismo sa mga ukit.
Maipapalagay na na mga “pinalawig na tanda” ang mga santo. Iisa lamang ang tanda at
iyon ay si Kristo subalit may ilang nilalang na naging mga ehemplo ng tunay na
Kristyanong pagsunod at pagdadakila sa pananampalataya sa katauhan ng mga Santong
Katoliko. Ito ang dahilan kung bakit napipili ang ilang tao upang mailagay sa mga banal
na ukit ng retablo.
Mula sa paglalahad ni Javellana (1991, 116), makikita sa mga lilok ang mga lokal na
halaman, mga prutas, at ang mga volutes o paikot na disenyo at “millipedes” sa itaas at
ibabang bahagi ng retablo bilang mga suportang elemento. Mapapalawig pa ang
interpretasyon kung ihahalintulad ang kurba nito sa tila pag-agos ng tubig mula sa
karatig-ilog ng simbahan, ang Rio Tibagan o Ilog Bayan sa ngayon. Isa ring pagbasa ay
maaaring repleksyon ng isang matabang lupa ang mga presensya ng mga "millipedes" o
mga bulate sa disenyo. Tandaang nakatuon sa pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay
ng Silang. Subalit ang ipinapakita sa disenyo ng pinyal sa retablo ay dalawang anghel na
may kalasag (na may simbolong hindi pa mawari kung araw o bituin) ang nakatungtong
sa nasabing mga mala-bulateng elemento. Mababasa rito ang mensahe ng katagumpayan
ng kalangitan, ang anghel na sundalo, laban sa simbolo ng kamunduhan, ang ahas, na
siyang tumukso kina Adan at Eba. Isang pagbasang halaw sa Kristyanong paniniwala. Isa
ring posibilidad ngunit nangangailangan pa ng masusing pagtitibay ay naaayon naman sa
matandang mitolohiya. Maaari ring iugnay ang disenyo ng ahas sa paniniwala ng mga
Tagalog at Kapampangan sa “laho” o ang isang malaking ahas sa kalangitan na kumakain
ng araw o buwan sa panahon ng eklipse. Pinaniniwalaan ng katutubong karunungan ang
angkin nitong kapangyarihan. Nakasaad sa pag-aaral ni Dante Ambrosio (2009), isang
batikang historyador at kilala sa larangan ng katutubong astronomiya, ang pagkilala sa
isang mala-diyos na ahas sa langit. Batay sa kanyang pag-aral, may mga sinaunang tala
sina Fr. Francisco de San Antonio (1620), Fr. Tomas Ortiz (simula ng 1700), Fr. Juan de
Noceda at Pedro de Sanlucar (kalagitnaan ng 1800), at pangkasalukuyan, ang
antropologong Olandes na si Antoon Postma noong 1997, hinggil sa mga katutubong
pagkilala sa laho at kakayahan nitong lumunok ng araw o buwan. Kung iuugnay ang
disenyo ng retablo sa isang diyos na ahas ng katutubong paniniwala, waring sinasabi pa
rin nitong napasailalim ng anghel na may kalasag ng araw, isang Kanluraning
kapangyarihan, ang katutubong hari ng langit, na kinakatawan naman ng laho. Ngunit
kung ipagpapatuloy pa ang isang mapaglarong pagtingin sa mga nakapulupot na suporta
sa retablo, tila nagsasabi naman ang katutubong naglilok na naririto pa rin at
nagbabantay ang laho sa magkabilang-gilid.
81
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Maliban sa mga detalyeng nabanggit, higit na tutuunan ng pansin ang pinakatampok ng
nilalaman ng altar mayor. Ito ang nagsisilbing materyal ng katesismo mahigit apat-nadaang taon na ang nakakaraan. Ito rin ay ang pinakamalaki at pinakamataas kumpara sa
dalawang retablong kaninang inilalahad. Taglay ng altar mayor si Hesus sa buhay ni
Maria o kung sa dagliang pagtingin, isang paglalahad ng buhay ni Maria gamit ang mga
misteryo ng Santo Rosaryo. Ang mga bahagi ay binubuo ng tatlong palapag at salit-salit
na mga nitso ng rebulto at mga kuwadro ng mababaw na ukit o relief. Ang marikit at
masalimuot na disenyong barok ay binigyang lahad ni Fr. Javellana sa kanyang aklat.
…The same divisions into verticals and horizontals found at side altars are
repeated. But instead of fluted Corinthians, garlanded Corinthians and
solomonicas separate the different members of the retablo… of three stories,
the lower two being divided into seven sections of alternating niches, relieves,
niches… similar to the top most division. The whole ensemble ends in a split
semicircular pediment which displays the Jesus colophon. Again, lush
tropical foliage links the floors together. Garlands of fruits and flowers
cascade from pediment to second story, fruits peer out of split triangular
pediments that serve as bases of the vase-like finials of the second story.
Decorative motifs found at the transept altars are repeated: foliage, angel
heads, acanthus crenelations, cartouches, and empty rectangles… (Javellana
1991, 117).
Kung higit pang susuriin ang tatlong altar, mapapansin ang palagiang paggamit ng mga
numerong tatlo, pito, at labindalawa. Ito ay mga bilang na kalimitang tinataguriang
sagrado ng numerolohiyang banal o sacred numerology. Ang banal na pagbibilang ay
makikita sa maraming Kanluranin at Silanganing kultura na bunga ng iba’t ibang
kamalayan. Banal ang trayad sa nakaparaming matatandang kultura bunga ng nagbabago
at naghahalong relihiyon at kulto. Sa Katolisismo, ang paggamit ng bilang tatlo ay tanda
ng Santisima Trinidad. Makikita ang paggamit ng bilang tatlo sa mga retablo sa
maraming pagkakataon: may tatlong altar sa simbahan ng Silang at may tigatlong palapag
ang mga ito; may tatlong pedimento na binubuo ng tatlong gilid at tatlong sulok sa
detalyeng pang-arkitektura sa loob ng tatlong altar; may dimensyon ng perspektibo ang
mga gilid-altar na nagbibigay-ilusyon na tila tatlong patong ang komposisyon ng retablo
paharap; may tatlong mago na bumisita sa kapanganakan ni Hesus; tigatlong angel sa
mga kuwadrong-ukit nina San Francisco Javier, San Francisco Borgia, Stanislaw Kotska sa
kanang gilid-altar; tigatlong anghel sa gilid ni Hesus na may sinag ng tatlong potencias sa
ibabaw ng sinag ng areola; tigatlong angel sa gilid ni Santa Helena sa kuwadrong-ukit ng
kaliwang gilid-altar; tatlong angel ang nagdadala sa Birhen sa dalawang kuwadrong-ukit
na makikita sa Koronasyon at Kotska; tatlong anghel na pinyal, dalawa sa gilid at isa sa
tutok ng pedimento ng ikatlong palapag ng mga gilid-altar; at tatlong persona na binubuo
nina Paul Miki at mga kasama sa tutok na kuwadrong-ukit ng kanang gilid-altar.
82
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Makikita naman ang bilang pito sa kabuuang bilang ng mga ukit at rebulto ng tig-gilid na
mga retablo. Ito rin ang bilang ng mga santo at kuwadrong-ukit sa bawat nibel ng retablo
mayor. May pitong tauhang bisita ang Mesiya sa kanyang kapanganakan. Sa kabuuang
bilang, may labimpitong santo, santa, at eksenang pananampalataya ang bumubuo sa
tatlong retablo ng Silang. Panghuli, makikita ang labindalawa sa bilang ng bituin sa
areola ng patrona at maging sa ilang santo at tig-labingdalawang bunga ng bulaklak na
umaapaw sa pedimento ng retablo. Maaaring sabihin na ang bunga lang ang pagbibilang
sa komposisyon ng pagbubuo ng simetri o pagkakabalanse sa disenyo. Subalit may ilang
mga skolar ang nagtatangkang bigyang-pakahulugan ito. Si Athanasius Kircher (16021680) ay isang Heswitang Aleman na nagpakadalubhasa sa matematika at pilosopiya. Isa
siya sa mga nagtangkang hanapin ang ugat ng nag-iisang kabihasnan noong panahon ng
banyuhay or Renaissance. Isa sa kanyang mga pag-aaral ay nakatuon sa mga sinaunang
sibilisasyon tulad ng Ehipto at Babilonya. Kinilala niya ang halaga ng mga bilang at ng
banal na pagsusukat at siyang ginagamit sa pangkasalukuyang pag-aaral ng sacred
geometry sa pagkakalikha ng mundo. Kahit hindi niya direktang tinalakay ang banal na
pagbibilang sa kanyang mga akda, makikita naman ito base sa kanyang mga pakahulugan,
teorya, at salaysay mula sa matatandang Kanluraning pag-aaral sa sining at agham na
sinusuportahan mismo ni Santo Papa Alexander VII (Fidlen 2004, 66).
Naglalaman ang anim na kuwadradong ukit ng buhay ni Maria buhat sa mga dasal ng
Santo Rosaryo. Kasama rin ng salaysay na biswal ang paglalahad ng buhay ni Hesus sa
piling ng kanyang Ina. Sa unang palapag mula sa kanan, naroroon ang rebulto ng
ebanghelistang si San Pablo, ang kuwadro ng “Ang Pagbisita,” si San Joaquin (ama ng
Ina), nitso ng Patrona, si Santa Ana (ina ng Ina), ang kuwadro ng “Ang Panunuluyan,” at
ang rebulto ng ebanghelistang si Santiago. Sa ikalawang palapag mula kanan naman
makikita ang rebulto ng tila Heswita na santo (posibleng si Aloysius Gonzaga), kuwadro
ng “Ang mga Mago,” si San Jose (ang asawa ng Ina), ang kuwadro ng “Ang Presentasyon
sa Templo,” si San Juan Bautista (ang pinsan ni Hesus), ang kuwadro ng “Ang
Koronasyon,” at panghuli, isa pang santo na maaaring si San Isidro (ang magsasaka). Sa
tutok ng retablo nakalagay ang kuwadro ng Santo Nino de Ternate at napapagitnaan ng
dalawang santong Heswita na maaaring sina San Ignacio at San Francisco Javier.
Higit na kapansin-pansin sa retablo mayor ang hagiograpia ng buhay ni Maria sa isang
malikhaing lilok gayong kasabay na ipinapakita nito ang esensya ni Hesus. Makikita rito
ang pagkakabuo ng pamilya ni Hesus (kasama sina San Jose at Maria, at maging ang
pinsan San Juan Bautista) at gayundin ang pamilya ni Maria (kasama sina San Joaquin at
Sta. Anna). Mga tanda ito ng pagkakabuo ng pamilyang sagrado at maging ng matandang
teolohiya ukol sa pamilya. Mapapansin din ang paglagay sa dalawang rebulto ng santo ng
ebanghelisasyon, sina San Pablo at Santiago na nagbibigay-paalala sa mga Heswita ng
misyong-magpalaganap sa bayan.
83
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Sa mga susunod na pagtalakay sa mga retablo, iisa-isahin ang mga naganap na pag-aanib
ng Kanluranin, Silangan, at lokal na tipo ng disenyo sa loob ng retablo. Bibigyangpaliwanag ang bawat bahagi ng anim na kuwadro upang maitangi ito na isang makasining
na halimbawa ng yamang bayan. Nagpapakita ito ng halaga bilang isang banal na gamit
at gayon din bilang isang patunay ng isang pinaghahalong kamalayan.
Ang Pagbisita. Nakalagay sa unang palapag ang kuwadro
mula sa kanan ng altar mayor. Nagpapakita ang ukit ng
dalawang pigura: si Maria at ang Angel Gabriel. Suot ang
kanyang bughaw-pula-puting damit, taimtim na nakikinig
si Maria sa anghel na may suot na puti. Ang puting
kalapati ang ikatlong presensya sa ibabaw ng liwanag at
bumubukang mga ulap na kumakatawan sa Espiritu
Santo. Pinuna ni Javellana (1991, 117) ang kasangkapan ng
bahay sa loob ng komposisyong ito na tila mukhang
kulambo ang yari sa kurtina sa likod. Kapuna-puna sa
pag-aaral na ito ang mga ulap sa tipong Tsino, bilog-bilog
na umiikot sa puting kalapati. Hindi pa nakikita sa ukit si
Hesus na nasa sinapupunan, sa halip ang respresentasyon
ng paghawak ni Maria sa kanyang tiyan ang tanda ng
pagdating ni Hesus sa kanyang buhay.
Tama ang
pagkakaukit sa mga tupi ng damit subalit may ilang
problema sa proposyon partikular na sa laki ng paa.
Ang Panunuluyan. Nasa unang palapag, unang kuwadro
mula sa kaliwa. Nakadamit bughaw at pula si Maria na
may puting belo, ang tipikal niyang kasuotang kulay na
makikita sa lahat ng kuwadro. Tangan sa kanyang lapag
at sapo-sapo ng kanyang belo ang Mesiyang si Kristo na
napapaligiran ng pitong bisita. Maliban sa mga pastol na
nakamasid sa bandang likod, mapapansin ang isang babae
sa ukit ay tila nakatapis na nagbibigay ng lokal na
panamdam sa ukit. Hindi Kanluraning tipo ang mga
hayop sa paligid gaya ng tupa at asno, sa halip, may guya
at maliit na kalabaw sa harap ng komposisyon. Gayundin,
may kakaibang asong pitbull sa gawing kanan at kinakagat
ang espada na di pa malaman kung ano ang ibig sabihin
(Belmonte 1990, 39).
Si San Jose ang imaheng
nakakayumanggi na may dalang lampara. Mapapansing
may suot siyang sumbrero na parang sa magsasaka. Muli
makikita ang malapad na paa sa ibabang bahagi.
84
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ang mga Mago. Nakalagay sa ikalawang palapag, unang
kuwadra sa kanan ng altar mayor. Ang komposisyon ay
muling nakasentro kay Hesus na sanggol at Maria.
Napapaligiran sila ng tatlong mago mula Silangan. Sa
halip na sakay ng kamelyo na tradisyunal na
representasyon, ang mga gamit nila ay lulan ng mga
kabayo. Maaaring ginamit ang hayop na ito sapagkat
walang pagkakakilanlan ang mga katutubo kung
kamelyo ang gagamitin o kaya naman di mawari ang
gumawang Indio o Tsino kung papaano iuukit ang hayop
na may mahabang leeg. Kung tala ang gumabay sa mga
mago upang mahanap ang kinaroroonan ng Mesiyas, sa
komposisyong ito, liwanag ng araw ang nakaukit.
Waring representasyon pa rin ng isang tala o kometa
dahil sa tatlong guhit na pumapailanlang sa kanang
bahagi nito. Pansinin na tila nabighani si San Jose sa
rangya na dala-dala ng mga kabayo (Belmonte 1990, 49).
Ang Presentasyon sa Templo. Nasa ikalawang palapag,
gitnang kuwadro ng retablo mayor.
Binubuo ang
makulay na komposisyong ito ng walong tauhan na
pumapaligid sa sanggol. Kahit pa nakasaad sa Bibliya na
may edad na si Hesus nang dinala sa templo, sanggol pa
rin siya sa komposisyong ito. Hindi si Maria ang may
tangan sa sanggol kundi ang matandang Simeon. May
dalang kalapati bilang alay ang dalawang tauhan sa
harap. Kung babalikan ang tradisyon, ang kalapati ang
pinakamababang uri ng alay sa templo. Nagpapakita ito
ng abang kalagayan na pinagmulan ng Mesiyas. Subalit
kalapati rin ang simbolo ng pagiging banal kung saan
nakalipad sa taas ang Espiritu Santo sa loob ng liwanag
na tila araw. Dahil sanggol ang pagsasalarawan kay
Kristo, pansinin na may tila kuna sa loob ng templo at
nasa gitna ng komposisyon.
85
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ang Koronasyon. Nakalagay sa ikalawang
palapag, unang ukit mula sa kaliwa ng retablo
mayor.
Suot pa rin ang kulay na
representasyon kay Maria, binubuhat siya ng
limang kerubin paakyat ng langit. Si Hesus na
nabuhay magmuli ay suot ang pulang balabal
ng gloria at kulay ng mga hari. Kapiling niya
ang Diyos Ama na balbas-sarado na nakasuot
ng dilaw at tila ginto, nakakoronang tulad ng
Santo Papa o mitre ng mga obispo. Parehong
may hawak ng bughaw na bilog na
kumakatawan sa mundo. Upang mabuo ang
imahe ng Santisima Trinidad, isang puting
kalapati ang bumaba sa langit buhat sa isang
liwanag sa korona ng Mahal na Birhen.
Interesante rin na buo ang Santisima Trinidad
ng katutubong teolohiya: Diyos Ama, Diyos
Anak, at kinoronahang Diyos Ina. Pansinin ang estilo ng ulap sa komposisyon gayundin
sa ilang kuwadro na ukit. Tipikal na Tsino ito na siyang mga maaaring naging
kasamahang manggagawa sa proyektong gumawa ng mga retablo. Subalit pansinin din
na hindi singkit ang mga tauhan sa lahat ng lilok. Sa malamang, mahigpit na
binabantayan ng mga Espanyol ang pagyari sa mga imahe subalit pinapahintulutan na
baguhin ang ilan sa mga elemento ng komposisyon upang maging malapit ito sa
gumagawa at sa mga “tutunganga” rito.
Ang Santo Niño de
Ternate.
Nasa
tuktok o ikatlong
palapag na napapagitnaan nina San
Ignacio at San Javier.
Ang kuwadrang-ukit
na ito ang makakapagsabi kung kailan
nagawa ang mga
retablo. Sinasabi sa
aklat ni Javellana
(1991, 116) na ang
“Niño”
ang
makakapagsabi kung
kailan natapos ang
86
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
mga retablo. Taong 1663 dumating ang binyagan mula Merdekas dala ang Poon. Inilagak
sila sa isang bahagi malapit sa Maragondon at tinangi na “bagong” Ternate. Masasabi ng
pag-aaral na ito na ang paglagak ng dalawang santong Heswita sa tuktok ng retablo altar
mayor ay may pulitikal na dahilan. Sa tuktok makikita ang mga pinagpipitagang
Heswitang santo na tila sinasabing pinakamalapit sila sa Diyos o isang paraan ng
pagdadakila. Tulad ng pagpapakita sa kuwadrong-ukit nina Paul Miki at mga kasama na
pinaslang sa Japan, dinakila sila ng orden dahil sa katapangan at pagpapatuloy ng misyon.
Dahil dito, kinilala ang kadakilaan at banal na pagtanggap sa misyon sa mismong rurok
na kuwadrong-ukit sa retablo. Sa pagkakataong ito, ang retablo, sa pagpapakita ng mga
pangyayari at politika ng pagpoposisyon nito, ay maihahalintulad sa isang pahayagan na
naglalahad ng kasaysayan batay sa mga halagahing Heswita. Sa ibaba ng ukit ng altar
mayor ay ang imahe ng Immaculada Concepcion sa loob ng isang puting medalyong suot
ang bughaw at puting kasuotan. Ito naman ang naging patrona ng Maragondon. Isa
itong halimbawa na nagpapakita sa mga ukit ng relasyon ng Silang sa kanyang mga luwal
na karatig-bayan. Si Magdalena na patrona ng Amadeo ay nasa itaas na bahagi ng
kaliwang retablo, gayundin din sa San Antonio na dating patron ng isang karatig-bayan.
Naging tila isang lathalain o pahayagang pangkasaysayan ang mga ukit sa kahoy. Dahil sa
pagsusuring ito, masasabing nakapag-ambag pa ang retablo ng iba pang kapakinabangan
maliban sa ebanghelisasyon.
Naglalaman ang mga pangunahing kuwadro ng retablo mayor ng pagsasanib ng
Kanluranin at lokal na elemento. Isinagawa ito upang higit na maging mas malapit ang
bagong paniniwala sa mga katutubo. Gayundin ang presensya ng mga santong de bulto
na maaaring dumulog sa mga kahilingan ng mga tao tulad ni Santa Ana, nasa unang
palapag na patron ng kapanganakan at pagmimina o si San Isidro na patron ng mga
magsasaka. Dahil sa ganitong pagkakataon, isang yamang bayan ang ikonograpiya ng
retablo na naglalaman ng hitik na hitik sa simbolismo ng Katolikong paniniwala.
Kaalinsabay nito, mababakas pa rin ang katutubong teolohiya sa katauhan ni Maria bilang
isang malaking puwersa sa mga likhang lilok at representante ng tila babaeng diyos.
Pagtangkilik sa Retablo bilang Yamang Bayan. Ang akto ng pagsakop at pagsupil ay
hindi gaanong naging malakas sa pagbuo ng mga retablo at sa halip isang asimilasyon ang
naganap. Humantong ang pagpapalit-pagpipilit ng mga kolonyal na ideya sa isang
epektibong pag-aanib ng katutubong elemento at Kanluraning disenyo. Tinawag itong
mestizo ni Bailey kung saan paghahalong kultural at pagsasanib ng katutubo at
Kanluranin dahil sa isang eksperimento ng mga Heswita sa pagsasanib ng mga kultura
para sa kapakinabangan sa ebanghelisasyon (Bailey 2010, 21). Mula sa pag-aaral na ito,
hindi lang eksperimento ito kundi taktika. Subalit masasabi pa ring Pilipino ang mga ito
sapagkat napapaloob dito ang pinaglagom na kamalayang taal at mga halagahin ng isang
dinamikong lipunan. Sa puntong ito, maaaring hindi mananakop ang estilong Heswita
kundi niyapos ang bagong kulturang kinahaharap at nagluluwal ng mas makulay at mas
87
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
marikit na kasaysayan at sining. Sa pagsasanib ng kolonyal at pre-kolonyal, Kanluran at
Silangan, Espanyol at katutubo, makikita ang isang malaking bakas ng pagka-unibersal ng
pananampalatayang Katoliko.
ANG PAGLISAN TAONG 1768
AT MGA BANAL NA HIYAS NG DINAMIKONG ISPIRITWALIDAD
Ang simula ng pagtataguyod sa simbahan ng Silang ay nababalutan rin ng mga mito at
kababalaghan. Isa sa mga kilalang mito at kuwentong bayan ang mirakulo at misteryo ng
Mahal na Birhen na nakasaad sa mga tala ni Murillo. Simula noon at magpahanggang
ngayon, laging iniiwanan na sa kaliwang retablo ang imahe ng Birhen maliban pa sa isang
imahe na naroroon na sa sentral na nitso ng altar mayor. Ito ay bilang paggunita sa
alamat upang hindi na umalis ang Mahal na Ina. Isa ring kuwentong bayan na
nabubuhay ang imahe tuwing sasapit ang sakuna at peste sa ani. Tuwing gabi, makikita
ng taumbayan ang isang babaeng di-kilala na umiikot at nagbibigay-limos at pagkain sa
mga tao. Kinaumagahan, mapapansin ng mga pari ang maruming laylayan ng damit ng
birhen. Papalitan ito araw-araw subalit laging marumi kinaumagahan. Kumalat ang
balitang ito sa kabayanan hanggang sa baryo.
Sa pagkakagamit sa mga kuwento at alamat upang mas mapasidhi ang interes ng mga
katutubo sa kolonyang paniniwala, naganap ang pagyapos sa kaisipan at pag-anib sa
kamalayan at pangangailangan ng mga indio at pati na rin ng pangkat principales.
Tinangkilik na sagrado ng mga taga-bayan ng Silang ang mga gamit-simbahan. Mula sa
mga retablo, mga santo, at mga gamit nito tulad ng alahas at bestido, mga banal na
ginintuan o pinilakang mga sisidlan, mga krusipiho, langis, agua bendita, mga kandila,
bulalak ng karosa at higit sa lahat ng banal, ang ostya, mga gamit ang mga ito na
ipinahahayag ang Tanda at mga sakramento ng paniniwalang Katoliko. Ito rin ang mga
banal na hiyas na iipon at pinag-iingatan sa loob ng mahabang panahon.
Mula sa imbentaryo ng Temporalidades noong 1768, isinasaad nito ang mga yamang
simbahan na naipundar at naitago ng mga Heswita sa loob ng mahigit isang daang taong
pamamalagi sa Pilipinas. Sa mga dokumentong Jurisdiccion de Cavite ng Temporalidades
leg 6 numero 26, makikita ang iba’t ibang pag-aari ng mga Heswita sa lalawigan. Nilagyan
ang imbentaryo ng gradong primera, segunda, at terserang klase. Ang Pueblo de Silan ay
may tala sa ilalim ng segunda at tersera:
One image of Our Lady a cuarta y media vara in height with face and wooden
hands dressed up completely in silver wrought, with imperial crown of gold
inlaid with various ordinary stones and supported on both sides by two small
angels and a small golden face made with inlaid gold filigrees and adorned
88
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
with various ordinary stones, and fine pearls, and on both ends a golden
pendant, four pieces each, with a two-string necklace of pearls and on the
hands are two two-string bracelets of fine pearls.
One hallow cross of silver a cuarta vara in height.
Two small faces and two knives of silver, one big and one small of the Virgin
of Sorrrows.
One image of Our Lady with face and ivory hands two tercia varas in height,
with crown and a small face of silver, adorned with various ordinary stones, a
pair of golden hoes embossed with ordinary stones, with fine pearls; a fine
two-string gold chain in antique workmanship of more than one cuarta vara
in length, and four bands of ordinary stones enclosed in gold (PNA 1768, 6:26,
20:28).11
Mga Dokumento ng Temporalidades tungkol sa Silang. Mula sa Philippine National Archives.
Masasalamin sa imbentaryo ang tatlong imahe ni Maria na iba’t iba ang materyal at
pagkakagawa. Nagpapatunay lamang ito ng isang matinding debosyon sa Birhen na
pinansin ng ibang iskolar bilang “kulto.”12 Nagpapakita rin ito ng kakayanan ng Silang na
makabuo ng mga banal na hiyas para sa simbahan. Nagsasabi itong may mataas na antas
ng pamumuhay ang bayan upang makapag-ambag ng ganitong uri ng yamang simbahan.
Kung babalikan ang tala ni Murillo na sinulat ni William Charles Repetti sa pagsisimula
ng simbahan sa Silang, mababakas dito ang ilang gamit na nauna nang naihandog para sa
89
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
simbahan, tulad ng Birhen na may mga alahas na ginto at damit na yari sa pilak. Bunga
ang dumaraming alahas ng Poon ng pagtangkilik ng mga nakakataas sa lipunan.
Nagpapakita ang pagdodonasyon ng ginto, pilak, at perlas ng katayuan sa pamumuhay.
Sa malamang, ang mga principales ng bayan at maging ang mga Espanyol na
encomenderong humahawak dito ang siyang pinagmumulan ng mga ito.
Ang mga Banal na Hiyas. Laman ng simbahan ang mga banal na hiyas ng bayan.
Subalit ang yamang simbahan ay nabuo mula sa higit-isang katangian ng pagiging banal
na hiyas. Kung susuriin, tila may dalawang kategorya pang nagmumula rito. May mga
banal na hiyas na “banal na” sa simula pa lang. Mga dala o gawa ito ng mismong kaparian
upang maisagawa nila ang katekismo at pagdiriwang ng sakramento. Maaaring pumasok
sa kategoryang ito ang ostya, bendidong langis at tubig, mga krus, at maging ang mga
retablo at mga santo na ginawa para sa simbahan. Sa kabilang banda, may mga yamang
simbahan na naging mga banal na hiyas dahil “binanal” ang mga ito. Ang akto ng
pagbibigay ng alahas, bestido, ginto, at pilak mula sa mga kamay ng tao patungo sa
sisidlan ng simbahan ay mas nagpapalawig ng katangian ng mga banal na hiyas. Hindi
banal ang mga ito sa simula subalit naging mga banal sa pagkakaloob ng basbas ng mga
kaparian. Kung iisipin ng simbahan na may monopolyo at angking kapangyarihan ang
mga pari sa pagbabanal ng gamit at yamang simbahan, tila hindi.
Ang mga pangkaraniwang tao o indio ay may kakayahan ding makapag-ambag sa mga
banal na hiyas ng dinamikong Pilipinong ispiritwalidad. Sa kamalayan ng indio naganap
ang mas pinaigting na pagsasanib ng katutubo at kolonyang halagahin. Dahil hindi lubos
ang pagsasalin ng Katolikong kamalayan, pinagsasanib ang iba’t ibang halagahin o di
kaya’y di naiba sa simula pa lang subalit may nibel ng asimilasyon na naganap.
Mula sa mga paggawa, pagsunod sa matatandang karunungan, at pagsulat-pagbigkas ng
mga enkantasyon, makikita na hindi tuluyang nasakop at nasupil ang kamalayang
katutubo. Kadalasan pa nga’y nakakahanap ng ugnay ang mga pangkaraniwang tao
upang maisakatuparan ang mga katutubong paniniwala gamit ang proseso ng
Kristyanong pagdiriwang. Kung nakapag-ambag ng mga banal na at binanal na hiyas para
sa yamang simbahan ang mga taga-sunod nito, nakapag-ambag naman ng mga yamang
pang-ispiritwalidad ang pangkaraniwang tao (tingnan ang hanayan sa sunod na pahina).
90
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
HANAYAN 1
Pagkategorya sa mga Niluwal na Banal na Hiyas
Mga Banal na Hiyas sa Kabuuan
Yamang Simbahan
Yamang Pang-ispiritwalidad
Banal-na na hiyas
Banal-na-at-binanal-pa na hiyas
Binanal na hiyas (may basbas)
Binanal na hiyas (indirektong basbas o
wala)
Mula sa paghahanay ng pagkategorya ng mga banal na hiyas, makikita na nakapag-ambag
ang mga katutubo ng mga yamang pang-ispiritwalidad sa dalawang kapamaraanan.
Unang kapamaraanan, may mga banal nang gamit pangsimbahan ang kinukuha,
ipinamamahagi pagkatapos ng pagdiriwang, at itinatangkilik. Kadalasan ito ay mga
kandila, sisidlan, telang damit ng poon na hinahati at pinamimigay. Ito ang mga banal-na
at binanal-pang mga hiyas ng pangkaraniwang mga tao. Tinataguriang mga biyaya,
“paswerte” ang mga bagay na ito o kaya nama’y bilang mga anting-anting na nagsisilbing
mga pananggalang sa mga kamalasan at kasamaan sa paligid. Ito marahil ang bunga ang
pinagbabagong kamalayan. Una, ang pagkatakot sa labas—naglipana sa labas ng bayan at
nagtatago sa dilim ng kagubatan ang masasamang elemento at tanging sa pagsunod sa
Kristyanong sakramento at pagtanggap ng mga tanda kahit makuntento sa isang kurot
lang nito ay makakapagligtas sa mga tiyak na kapahamakan. At pangalawa, ang akto ng
pagbabahagi ay taal din sa katutubong panlipunan kung saan nagsasalo-salo ang lahat sa
biyaya ng kalikasan.
Pangalawang kapamaraanan, may mga akto rin ng mismong paggawa ng sariling mga
binanal na hiyas na hindi na nangangailangan pa ng direktang pagbabasbas ng kaparian.
Binigyang-pansin ito ni Ileto sa kanyang pag-aaral. May mga bagay na nililikha ang mga
pangkaraniwang tao lalo na kung panahon ng sagradong araw o sa punto ng Mahal na
Araw. Ang mga binanal na hiyas ng mga pangkaraniwang tao ay umiikot sa mga sulat at
inilarawang orasyon sa papel, mga enkantasyon sa mga nililok na mga amulet, at maging
pagkuha ng nakikita at di-nakikitang bagay-paswerte sa kalikasan.
Maaaring
maikategorya ang mga ito sa mas malaki pang pag-aaral ng anting-anting.
Sa bayan ng Silang makikita ang lahat ng mga kategoryang ito ng banal na hiyas. Mula sa
imbentaryo ng Temporalidades, inilahad ang mga yamang simbahan noong 1768
patungkol sa birhen. Maging ang mga naglalakihang retablo gawa noong 1643-1663 at
lahat ng mga santo nito ay bahagi ng mga banal-na na hiyas. Sa paglisan ng mga Heswita,
hindi na natin malalaman kung saan na napunta ang mga nakatala sa imbentaryo. Sa
paglipas ng panahon, sa pagdating ng rebolusyon, at sa pagpalit ng mga kaparian, untiunti nang nawala ang mga ito. Tanging ang retablo na lang ang naiwan.
91
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ang Nuestra Senora de Candelaria, retablo ng altar mayor, Bayan ng Silang, Cavite. Sa
taunang pagpapalit ng kanyang damit, kinaugalian dati na pira-pirasuhin ito. Sa ngayon,
itinatago ng mga pamilyang nag-bigay ang damit ng poon. Tanging mga bulaklak at mga
binasbasang kandila nila ang kinukuha ng mga deboto tuwing kapistahan.
Ang kasalukuyang patrona sa Silang na nakalagak sa unang palapag, sentrong nitso ng
retablo ng altar mayor, ang Nuestra Señora de Candelaria, ay matituturing na
pangkasalukuyang banal na hiyas ng yamang simbahan. Isa itong santo de bastidor na
may detalyadong ulo at kamay at nakadamit verdugado o hoopskirt. Kalimitang hiwalay
ang damit sa buong rebulto. Ang pinakamalaking bahagi nito ay ang saya at manto.
Parehong materyal ang ginagamit sa tapa-pecho o blusa na kadalasan ay seda, satin o
velvet na burdado ng hilo de oro o plata o mga ginto at pilak na sinulid. Ang damit ay lalo
pang pinarikit ng lantejuelas o spangles o galones at galoncitos o tirintas ng mga laso at
enkahe (lace). May mga alahas na pilak ito na tubog sa ginto na may mga diamante at
puting sapiro. Sa kanyang ulo nagniningning ang aureola na gawa sa parehong materyal
at may mamahaling bato at inilawan ng kuryente. Sa kanyang kaliwang kamay tangan
ang batang Hesus na nakadamit ng kaparehong materyal tulad ng sa Mahal na Ina. Gawa
sa garing ang mga ulo at kamay nito. May maliit ding koronang ginto ang batang si
Hesus.
92
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Ang kasalukuyang mamahaling kasuotan nito ay bigay ng mga debotong pamilya ng
bayan. May ilan pang ang tingin sa pagpapakaloob ng mga regalo sa simbahan ay
nagbibigay-daan sa biyaya at pagpapala. Tuwing kapistahan, pinapalitan ng damit ang
Birhen at may ilan pang nagbibigay ng mga alahas dito. Isa itong pagpapakita ng pagaambag ng mga binanal na hiyas. Isang kakaibang tradisyon din sa Silang na sa
pagkakatapos ng pista, pinipiraso-piraso ang manto upang ipamahagi. Dati itong
tradisyon na hindi na ginagawa ngayon. Ang damit na pinasusuot sa Birhen ay itinatago
na ngayon ng pamilyang nagbigay nito. Kasama ng mga pinirasong tela, kinukuha rin ang
mga bulaklak ng carosa. Ito ang mga banal-na at binanal-pang mga hiyas na tinatago ng
mga tao. At ang pinakatampok sa pagdiriwang ng kapistahan ay ang pagbabasbas ng mga
kandila. Naniniwala ang mga deboto na sa oras ng kadiliman na katapusan ng mundo,
tanging ang mga kandilang ito ang magbibigay-liwanag. Kada-pista ang pagbebendisyon
ng kandila.
May ilan pang matatandang albularyo sa mga barrio ng Silang na nananatiling buhay ang
matandang paggagamot. Ang pagrereseta ng langis na ipapahid; paglagay ng pirapirasong papel sa likod, dibdib, noo, at batok; pagbibigay ng mga dahon na pakukuluan o
dudurugin upang inumin o ipahid ay ilan sa karaniwang ginagawa. Ibinibigay ang mga
ito kasama ng dasal ng Ama Namin, pagrorosaryo o kaya nama’y may dasal ng orasyon sa
Tagalog o Latin. N ananatiling buhay ang mga yamang pang-ispiritwalidad na ito sa mga
paggawa sa kanayunan. Maging ang mga tagabayan na di mawari ang sakit ay
pumupunta pa rin sa mga manggagamot at manghihilot.
PAGLALAGOM: TUNGGALIAN AT PAG-AANIB
Pagdating, Pagtaguyod, at Paglisan… sa tatlong bahagi na ito mahuhukay ang mga
yamang bayan ng Silang sa loob ng ika-17 hanggang ika-18 siglo gamit ang mga datos
pangkasaysayan. Napapalooban ang mga panahong ito ng maraming diskurso sa
pagsakop at pagsupil, pagpapalit-pagpipilit, at pagyapos at pag-aanib ng mga
nagtutunggaliang puwersa na nagpapabago at nagpapalagom sa dinamikong kamalayan
partikular sa Silang. Sa paglalapat ng iba't ibang panunuri sa larangan ng sining
pangkasaysayan at panlipunang antropolohiya, mas napapalitaw ang mga karunungan,
kamalayan, at halagahing naitatampok bilang mga yamang bayan. Gaya ng pagkilala
natin sa sining, mas nagiging makulay ang ating pagsilip at pagtanggap sa nakalipas kung
titingnan ito gamit ang mga lente ng iba’t ibang panunuri.
Mula sa erihiya nababakas ang mga katutubong pananaw ng sinaunang lipunan. Ang mga
mala-patulang mensahe nito ay gumagabay sa panlipunang relasyon. Isa itong buhay na
sining (sariling diin) na taglay ng wika at mababakas ang matatandang karunungan, mga
alamat, kasabihan, at maging mahika upang magbigay-payo o babala sa mga naniniwala
93
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
rito. Mula sa simpleng pamumuhay at pagkamapamahiin ng mga tao na nakita ni Chirino
sa pagdating ng mga Heswita sa Silang, mapagtatanto na nakasandig pala ang erihiya sa
masalimuot na mga katutubong halagahin na umiikot sa katutubong pananaw sa sarili,
pamilya, kapwa, kalikasan, at Diyos. Binibigyang-pahalaga ng pag-aaral na ito na isang
yamang bayan ang erihiya na hindi nasupil ng mga banyagang mananakop kahit pa
dumaan ito sa punto ng pagsakop sa simula ng dantaon 17 at maging sa akto ng
pagpapalit-pagpipilit sa kabuuan ng dantaon 17-18. Magpahanggang ngayon, buhay na
buhay ito sa kamalayang Silangueño.
Sa paglalahad ng retablo masasalamin ang pagtataguyod ng panibago at pinagbagong
kamalayan. Ginamit ito sa pagsakop at pagsupil ng mga Espanyol laban sa mga
katutubong pananaw. Kasama ng retablo bilang mga instrumento ng ebanghelisasyon
ang pagtatayo ng simbahan at paglilipat sa mga katutubo sa loob ng kolonyal na
pamayanan. Sa ilalim ng kampanaryo ipinakilala ng mga Espanyol ang Tanda at
sakramento ng paniniwala. Gamit ang pagkamapamahiin ng mga katutubo, naisagawa
ang misyon na mapalapit ang mga ito sa ilalim ng pamahahalang kolonyal. Sa kabilang
banda, ang paggamit ng mga Heswita ng pag-aanib at asimilasyon sa mga sining-ukit ay
repleksyon na tila sila ang nasakop at yumapos sa katutubong kaisipan. Ang paggamit ng
mga tipong taal sa kamalayang Tagalog ang siya ring gamit sa pananakop. Ang mga
retablo sa gayon ay yamang bayan na bunga ng isang kamalayang mapangsakop subalit
hindi mapangsupil sa halip ay mapanghalo. Gaya ng makikita sa erihiya, masasalamin sa
retablo ang dinamikong Pilipinong ispiritwalidad.
Ang malawak na Pilipinong ispiritwalidad ay nagpapakita ng pag-aanib-puwersa bunga
ng tangkang pagsakop at pagsupil, pagpapalit-pagpipilit, at pagyapos at pag-aanib ng
kolonyal na imperatibo sa katutubong kamalayan. Nagluwal ito ng dalawang kategorya
ng banal na hiyas, ang yaman simbahan at yamang ispiritwalidad.
Nahahati pa sa tig-dalawang katangian ang dalawang kategoryang ito. Maituturing din
ang lahat ng mga ito bilang yamang bayan ng Silang bunsod ng nagbabago at dinamikong
pananaw sa pananampalataya. Mula sa mga datos ng Temporalidades taong 1768 at
paglalahad ni Murillo noong 1640, makikita ang mga imbentaryong gamit na yamang
simbahan. Pinahalagahan at pinag-ingatan ang mga ito na binubuo ng mga banal-na at
mga binanal na hiyas gamit ang pagbabasbas. Sa bahaging ito makikita ang relasyon ng
simbahan, kaparian, at mga principales na nagpayabong sa yamang simbahan. Nakapagambag ng mga yamang pang-ispiritwalidad ang mga pangkaraniwang taong may lalang
ng pinag-anib na katutubong kamalayan at kurot ng pagpapalit-pagpipilit na katekismo.
94
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
HANAYAN 2
Balangkas ng Paglalagom sa Pagkakabuo ng Yamang Bayan ng Silang
mula sa Malawak na Pilipinong Ispiritwalidad
Panahon
Kaganapan
Pagdating
1599
Pagsakop at
Pagsupil
Pagtaguyod
1600-1767
PagpapalitPagpipilit
Paglisan
1768
Pagyapos at
Pag-aanib
Mula sa
Tunggalian ng
Kamalayang
Katutubo at
Kanluranin
Di-nasupil
Nasakop at Napalit
Pagpipilit na
Pagyapos
Pag-aanib
Yamang Bayan
+ Erihiya
+ Retablo: Mga
Santo at mga Tanda
+ Banal na Hiyas
bilang Yamang
Simbahan:
 > banal-na na hiyas
 > binanal na hiyas
na may basbas
+ Banal na Hiyas
bilang Yamang
Pang-Ispiritwalidad:
> banal-na-atbinanal pa na hiyas
> binanal na hiyas
na walang basbas
Mula sa mga banal-na-at-binanal-pang mga hiyas, ang mga ito ay bunga ng pagsunod at
paglaban sa di-lubusang maunawaang Espanyol na pananampalataya. Subalit sa lakas ng
basal na kamalayan, nakapagluwal pa ang pangkaraniwang mga tao ng mga binanal na
mga hiyas na binasbasan hindi ng pari kundi ng magkahalong matatandang karunungan
at paggalang sa kalikasan at (mga) Diyos. Masasabing yamang bayan ng Silang ang lahat
ng ito mula sa napakalawak na pagtingin at kamalayan sa Pilipinong ispiritwalidad.
Ang erihiya, retablo, at mga banal na hiyas, lahat ay mga yamang bayan na namumutawi
sa lokal na kamalayan. Bunga ng kamalayan at karunungang di-nasupil, nagyapos at
naghalo. Mababakas dito ang mga nagbabagong panahon sa loob ng pagsakop at
pagsupil, pagpapalit-pagpipilit, at pagyapos at pag-aanib ng mga puwersang katutubo at
kolonyal. Isang makulay at masalimuot na pagtatagpo sa panahon ng pagdating at
paglisan ng mga Heswita sa bayan ng Silang.
95
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Talahuli
1
Hango sa akda ni Isagani Medina na Ang Kabite sa Gunita: Essays on Cavite and the Philippine Revolution
(2001) ang matandang ngalan ng Silang. Sa hinaba-haba ng panahon, naniniwala ang mga taga-Silang na
mula sa salitang “silangan” ang ngalan ng bayan. Gaya ng lungsod ng Tagaytay, mula sa salitang “halayhay”
ang ngalan nito at hindi sa “taga-itay” nakaraniwang pinaniniwalaan. Galing ang mga salin sa Tagalog ni
Medina sa Espanyol na Vocabulario de Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.
2
Unang inilahad ni Prospero Covar (1988a) ang konsepto ng Retablo ng Paniniwala sa isang sanaysay para
sa “Pansariling Likha” (Art in Private Spaces) sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.
3
Mula sa papel ni Covar (1988b) ukol sa kapahayagan ng iba’t ibang paniniwalang Pilipino na binasa sa
Conference on Popular Culture sa Department of Filipino and Social Anthropology, Ateneo de Manila
University noong Nobyembre 18, 1988.
4
Makikita rin ito sa mga pagbasa nina Horacio de la Costa (1961, 369-370) at William Summer (1999,659679) kung saan nasalik ang mga gawa nina Gauvin Bailey (1999, 38-89) at Clara Bargellini (1999, 680-696)
na ginamit sa pag-aaral na ito.
5
Mula kay Reynaldo Ileto (1979, 29-33) sa kanyang pagsalaysay sa diskurso ng loob at kapangyarihan at mga
kapamaraanan na makamit ito. Ang paggawa o paraan sa pagkuha ng gamit na may kinalaman sa ritwal ng
Mahal na Araw ay isa sa tinalakay ni Ileto lalo na kung sa panahon ng Biyenes Santo ito isasagawa at
itatangi sa Araw ng Pagkabuhay.
6
Mula sa pangalawang salik sa katalogo ng mga simbahan at misyon ni Rene Javellana (1991, 203) batay sa
primerang salik na akda ni De la Costa (1961, 203).
7
Si Kapitan Diego Jorge de Villabos ay encomenderong ipinanganak sa Portugal at ipinagkatiwala ang
kanyang encomienda sa mga Heswita. Mula sa salin ni Jose Arcilla S.J. ng mga tala ni Pedro Chirino (15811606) ng “Kapitolo 8: Ang Residencia ng Silang” na susundan ng “Kapitolo 9: Ang Misyon ng Silang.”
8
Maliban sa tala ni De la Costa (1961, 203), makikita rin ang pagpapaliwanag sa katauhan at ambag ni Diego
Magsanga sa salin ni Arcilla kay Chirino (1581-1606, 194).
9
Ika-30 Agosto 1603, nasunog ang simbahan at paaralan ng mga Heswita sa Silang na nakasaad sa salin ni
Arcilla kay Chirino (1581-1606, 311).
10
Sa kasalukyan, muling nilinis ang mga retablo sa pagsisimula ng dantaon 21. Sa pagtanggal ng barnis at
mga natuyong dumi mula sa kandila, lumitaw ang orihinal na kulay nito na tila-pastel. Mula sa dating
kulay na tila-ginintuan, ang mga retablo ng Silang ay waring namutla pagkatapos ng pagkalinis (personal na
opinyon). Ito rin ang panahon kung saan nawala ang rebulto ni San Pablo. Tanging ito lamang ang replika
at nanantiling orihinal ang buong bahagi ng retablo.
11
Salin sa Ingles ng bahagi ng Temporalidades (1768, leg 6 numero 26, inekis 20:27) na isinagawa ni Michael
Francisco ng Cavite Studies Center batay sa personal na hiling at kopya noong 2007.
12
Binanggit ang mga puna hinggil sa “kulto” sa akda ni Bargellini (1999, 6 at 20).
Sanggunian
Ambrosio, Dante. 2009. Eclipse and the Snake in the Sky: Bakunawa and Laho.
Philippine Daily Inquirer, Pebrero 8, http://goo.gl/bcFg3 (nakuha noong Enero 7,
2013).
96
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Bailey, Gauvin. 1999. Le Style Jesuit N’existe Pas: Jesuit Corporate Culture and Visual
Arts. Nasa The Jesuits: Culture, Science, and the Arts: 1540-1773; Volume 1, mga pat.
John O’Mally, Gauvin Bailey, Steven Harris, at T. Frank Kennedy, 38-89. Canada:
University of Toronto Press.
Bailey, Gauvin. 2010. The Andean Hybird Baroque: Convergent Cultures in the Churches of
Colonial Peru. Indiana, USA: University of Notre Dame Press.
Bargellini, Clara. 1999. Jesuit Devotions and Retablos in New Spain. Nasa The Jesuits:
Culture, Science, and the Arts: 1540-1773; Volume 1, mga pat. John O’Mally, Gauvin
Bailey, Steven Harris, at T. Frank Kennedy, 680-696. Canada: University of
Toronto Press.
Belmonte, Charles. 1990. Aba Ginoong Maria: The Virgin Mary in Philippine Art. Manila:
Aba Ginoong Maria Foundation, Inc.
Bobadilla, Diego de. 1640. Relation of the Philippine Islands. Nasa The Philippine Islands,
1493-1898; Volume XXIX, mga pat. at tsln. Emma Helen Blair at James Alexander
Robertson, 277-311. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909.
Chirino, Pedro. 1581-1606. Historia dela Provincia de Filipinas dela Compania de Jesus.
Nasa History of the Philippine Province of the Society of Jesus; Volume 2, tsln. Jose
Arcilla at pat. Jaime Gorriz Abella, 191-314. Quezon City: Ateneo de Manila
University Press, 2010.
Chirino, Pedro. 1604. Relation of the Philippine Islands. Nasa The Philippine Islands,
1493-1898; Volume XIII, mga pat. at tsln. Emma Helen Blair at James Alexander
Robertson, 27-217. Cleveland: The Arthur and Clark Company, 1903-1909.
Covar, Prospero R. 1988a. Retablo ng Paniniwala, Tatlong Sanaysay. Papel na mula sa
“Pansariling Likha” (Art in Private Spaces), Contemporrary Art Museum of the
Philippines, Cultural Center of the Philippines, Pasay City, Philippines.
Covar, Prospero R. 1988b. Kapahayagan ng Iba’t Ibang Paniniwalang Pilipino, Tatlong
Sanaysay. Papel na binasa sa Conference on Popular Culture, Nobyembre 18,
Department of Filipino and Social Anthropology, Ateneo de Manila University,
Quezon City, Philippines.
De la Costa, Horacio. 1961. The Jesuits in the Philippines 1581-1768. Massachusettes:
Harvard University Press.
97
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Fidlen, Paula. 2004. Athanasius Kircher: The Last Man Who Knew Everything. New York:
Routledge.
Huerta, Felix. 1865. Estado Geografico, Topografico, Estadistico, Historico-religioso dela
Apostolica Provincial de San Gregorio Magno. Ikalawang edisyon. Binondo:
Imprenta de M. Sanchez.
Ileto, Reynaldo. 1979. Pasyon at Revolution: Popular Movements in the Philippines,
1840-1910. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Javellana, Rene. 1991. Wood & Stone for God's Greater Glory: Jesuit Art & Architecture in
the Philippines. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.
Jose, Regalado Trota. 1992. Simbahan: Church Art in Colonial Philippines 1565-1898.
Makati City: Ayala Foundation, Inc.
Lico, Gerardo. 2008. Arkitekturang Pilipino: A History of Architecture and Urbanism in the
Philippines. Quezon City: University of the Philippines Press.
Medina, Isagani. 2001. Ang Kabite sa Gunita: Essays on Cavite and the Philippine
Revolution. Quezon City: University of the Philippines Press.
Moya-Torrecampo, Rosella. 2007. Sibling Bondings and other Value Structures in the
Erihiya of Silang, Cavite. Social Science Diliman 4, blg. 1-2: 36-77.
Pamahalaang Bayan ng Silang (PBS). 2001-2011. Socio-Economic and Political Profile
(SEPP). Dokumento, Pamahalaang Bayan ng Silang, Cavite.
Phelan, John Leddy. 1959. The Hispanization of the Philippines: Spanish Aims and Filipino
Responses, 1565-1700. Madison: University of Wisconsin Press.
Philippine National Archives (PNA). 1768. Temporalidades.
National Archives, Manila, Philippines.
Dokumento, Philippine
Rafael, Vicente, 1988. Contracting Colonialism: Translation and Christian Conversion in
Tagalog Society under the Early Spanish Rule. Durham: Duke University Press.
Repetti, William Charles. 1938. Pictorial Records and Traces of the Society of Jesus in the
Philippines and Guam Prior to 1768. Manila: W.T.
98
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas
Saliksik E-Journal
Tomo 2, Bilang 1 | Setyembre 2013
Summer, William. 1999. The Jesuits in Manila, 1581-1621: The Role of Music in Rite,
Rituals and Spectacles. Nasa The Jesuits: Culture, Science, and the Arts: 1540-1773;
Volume 1, mga pat. John O’Mally, Gauvin Bailey, Steven Harris, at T. Frank
Kennedy, 659-679. Canada: University of Toronto Press.
Unabia, Teresita. 2000. Silang: Kasaysayan at Pananampalataya. Dasmarinas, Cavite: De
La Salle University.
99
MEDINA: Erihiya, Retablo, at mga Banal na Hiyas